PATAY ang court sheriff at tanod chief makaraang tambangan ng hindi nakilalang riding in tandem sa magkahiwalay na lugar kamakalawa.
Sa Kidapawan City, naniniwala ang mga awtoridad na posibleng may kaugnayan sa trabaho ang motibo sa pagpaslang sa court sheriff dakong 6:45 p.m. kamakalawa sa probinsya ng Cotabato.
Kinilala ang biktimang si Juanito “Nitoy” Diazon, court sheriff ng RTC 12, Branch 18 ng Midsayap, North Cotabato.
Ayon kay Midsayap Chief of Police Supt. Reinante Delos Santos, habang pababa ang biktima sa kanyang motorsiklo sa harap ng kanyang tindahan sa Brgy. Agriculture sa bayan ng Midsayap, bigla siyang nilapitan ng dalawang lalaki at siya ay pinagbabaril.
Samantala, hindi na umabot nang buhay sa pagamutan ang 39-anyos barangay tanod chief matapos pagbabarilin ng dalawang hindi nakilalang lalaki malapit sa kanilang bahay sa Brgy. Biak na Bato, sa bayan ng San Miguel, lalawigan ng Bulacan.
Kinilala ang biktimang si Michael Montehermoso, residente ng Sitio Gulod ng nasabing lugar.
Ayon sa imbestigasyon ni PO3 Florante Rasco, dakong 8 p.m. kamakalawa habang naghahapunan ang pamilya nang mapansin ng biktima na may umaaligid sa kanilang bahay dahil sa kahol ng mga aso.
Agad lumabas ng bahay ang biktima upang magtago ngunit nakita siya ng mga suspek na mabilis siyang pinaputukan at pagkaraan ay mabilis na tumakas lulan ng motorsiklo. (BETH JULIAN/
DAISY MEDINA)