DAVAO CITY – Pitong hinihinalang drug pushers ang patay nang manlaban sa mga awtoridad sa anti-drug operation sa Brgy. Ilang sa lungsod ng Davao kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ang lima sa pitong napatay na sina Hainal Solani, Dark Abdul Nawang alyas Ani, alyas Ruel, Musa Sailaman, Faisal Albahi, at dalawang hindi pa nakikilalang mga suspek.
Isinagawa ang drug operation sa Block 3, 6, 8 at 9 na umaabot sa 27 drug pusher ang target ng magkasanib na operasyon ng CIDG, PDEA, IDMB-DCPO.
Tumulong din raiding team ang mga kasapi ng Bunawan PNP.
Napag-alaman mula kay Senior Supt Vicente Davao, director ng Davao City Police Office (DCPO), Disyembre pa noong nakaraang taon ay plano na nilang ilunsad ang drug raid ngunit kahapon ng madaling-araw lamang natuloy.
Nagkunwaring pasahero ang mga pulis at PDEA team sa isang Bachelor bus, habang sa karagatan naman nakaposisyon ang mga kasapi ng Maritime police para walang makalusot sa mga suspek.
Sinasabing mahirap pasukin ang lugar dahil may mga inilagay na sensor at alarma ang mga pusher kaya ilan sa mga suspek ang nagawang pa ring makatalon sa dagat.
Milyong pisong halaga ng mga illega na droga ang nakompiska mula sa mga suspek.
Nakakulong na ngayon sa Davao City Police Office ang mga nahuli na umaabot sa 33 suspected drug pushers.
(BETH JULIAN/DANG GARCIA)