INIHAYAG ni Senador Antonio Trillanes IV na posibleng hintayin muna ni pork barrel scam mastermind Janet Lim Napoles ang resulta ng 2016 presidential polls bago siya magsasalita kaugnay sa PDAF scam.
Sinabi ni Trillanes, naniniwala siyang nag-iingat si Napoles sa pagbanggit sa mga indibidwal na kanyang nakatransaksyon, dahil may posibilidad na ang mga maaakusahan o kanilang alyado ay manatili sa posisyon sa 2016.
“Hindi magsasalita iyan dahil tataya iyan sa magiging susunod na presidente ng Filipinas para mamasahe ang kanilang mga kaso, o mabigyan muna ng pyansa tapos para kinalaunan makakalimutan ng kababayan natin, mawawala na lang yan,” pahayag ni Trillanes.
“Sa tingin ko kasi ang nakikita nila is malapit na itong eleksyon eh. Kung magtitiis siya, maaari kung mananalo ang kanyang manok, eh mamamasahe ang kaso niya. Kung magsasalita siya ngayon, marami siyang makakaaway na baka ito ang mga nakapwesto sa susunod. So kailangan masigurado niya muna. Ngayon, kung matatalo ang manok niya sa 2016 malamang magsasalita na iyan,” diin ni Trillanes.
Nang itanong kung sino ang presidential bet ni Napoles, sagot ni Trillanes, “Alam na siguro natin iyan kung sino.”
(CYNTHIA MARTIN)