KALIBO, Aklan – Isang dayuhang turista ang namatay dahil sa sakit na HIV-AIDS infection habang nagbabakasyon sa isla ng Boracay.
Ayon kay Dr. Cornelio Cuatchon, Jr., ng Provincial Health Office (PHO), isang lalaki ang naturang foreign national na namatay sa sakit.
Hindi na ibinunyag ng PHO ang pagkakakilanlan ng AIDS victim para sa proteksyon ng biktima at ng kanyang pamilya batay na rin sa RA 8504 o Philippine AIDS Prevention and Control Act of 1998 kaugnay sa isyu ng “confidentiality.”
Sinabi pa ni Dr. Cuatchon, hindi na nila isinama ang naturang foreign national sa talaan ng kanilang HIV-AIDS deaths sa Aklan.
Ito ay matapos kompirmahin ng pamilya ng biktima na nakapagparehistro na ang dayuhan sa pinanggalingang bansa bilang AIDS victim bago nagbakasyon sa Boracay.
Napag-alaman na ang pamilya mismo ng biktima ang kumuha sa bangkay ng foreign national mula sa isang pribadong ospital sa Kalibo, Aklan at dinala sa Iloilo upang ipa-cremate.
Dalawang linggo pang na-confine ang biktima sa naturang ospital bago binawian ng buhay.
Inaalam pa ngayon ng PHO-Aklan kung nagkaroon ng kasintahan ang naturang dayuhang AIDS victim habang nagbabakasyon sa isla.