TINULIGSA ng mga residente ng Lungsod ng Pasig ang pagtatayo ng motel sa kanto ng Shaw Boulevard at Danny Floro Streets, Barangay Orambo, nang walang building permit at kawalang aksyon ng city government.
Ayon sa source, ang itinatayong motel ay pag-aari ng Bloyue Mica Inc., ang namamahala sa Nice Hotel, na may puwesto rin sa panulukan ng EDSA at Shaw Boulevard, Mandaluyong city.
Desmayado ang mga residente dahil sa pagsuway sa itinalagang tatlong-metro palugit (easement) ng building at kalsada para sa dadaanan ng pedestrian sa lugar.
Kadudaduda rin ang paglutang ng pangalan ni Atty. Reynaldo Dionisio, city administrator ng Pasig, kaugnay sa itinatayong motel.
Ayon sa source, si Dionisio umano ang lumalabas na may-ari ng lupang tatayuan ng motel, pero sa record, ang orihinal na may-ari ng lupa ay isang Jose Santos.
Kataka-taka rin na tila nagbubulagbulagan ang city government dahil, Disyembre 2013 pa, sinimulan ang pagputol ng mga puno sa nasabing compound pero hindi ito pinapansin ni Pasig City Building Permit chief Engr. Raul Silva.