SINUGOD kahapon ng biyuda ni Arvin ‘Tado’ Jimenez, kasama ang Dakila Group, ang opisina ng GV Florida Transport bilang protesta sa pagpapabaya sa mga biktima ng ‘lumipad’ na bus patungong Bontoc, dalawang linggo na ang nakararaan.
Nagpakalbo si Lei Jimenez, bilang protesta laban sa inhustisya sa mga biktima sa nasabing insidente.
Habang ginugupit ang buhok ni Lei, isinisigaw ng mga miyembro ng Dakila Group ang “Hustisya sa mga biktima ng Florida!”
Kasunod nito, dumiretso ang grupo sa opisina ng Land Transportation Franchising Regulatory Board para dumalo sa pagdinig ng ahensiya sa kaso ng GV Florida Transport.
Paniwala ni Lei, bukod sa kompanya ng bus, may pagkukulang din ang LTFRB kaya nakapag-operate ang mga kolorum na bus.
Namahagi ng tsekeng nagkakahalaga ng P150,000 ang kompanya ng bus sa kaaanak ng mga biktima ngunit tinanggihan ng biyuda ni Tado ang P150,000 insurance mula sa GV Florida Transport. (JASON BUAN)