51.9-M YEN. Ipinakikita nina Bureau of Customs-Enforcement Security Services Director Gen. Willie Tolentino at BoC-NAIA District Commander, Lt. Regie Tuazon ang 51.9-M Japanese Yen na dala ng Japanese national na si Yoshiaki Takahashi matapos harangin sa NAIA Terminal 1 ng tauhan ni Customs Police Division, NAIA District Commander, Lt. Sherwin Andrada bunsod ng paglabag sa Tariff and Customs Code of the Phillippines kaugnay ng hindi pagdedeklara ng dalang pera na sobra sa pinahihintulutan ng bansa. (BONG SON)
PINIGIL sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang pasaherong Japanese national makaraang makompiskahan ng malaking halaga ng Japanese Yen na hindi niya idineklara.
Ayon kay Bureau of Customs District III Collector Edgar Macabeo, dumating sa NAIA nitong Martes ng gabi si Yoshiaki Takahashi, 50, negosyante ng Tokyo, lulan ng Japan Airlines flight 745 na may dalang 51.9 milyon yen.
Nabatid na si Takahashi ay lango sa alak nang makompiska ang kanyang pera sa lane ni Customs examiner Ninia P. Beltran.
Paliwanag ni Takahashi sa Customs, hindi niya alam na mandatory na ideklara ang dalang malaking halaga pagdating sa Filipinas.
Sinabi ni Takahashi, nagdala siya ng pera sa bansa para magtayo ng negosyo.
Ayon kay Macabeo, hindi illegal ang magdala ng malaking halaga ng currency sa Filipinas kung ito ay idedeklara pagtuntong ng banyaga sa NAIA.
Nahaharap sa kasong paglabag ng Central Bank regulations at Philippines tariff code sa Pasay City Prosecutors Office si Takahashi.
(JSY)