Dalawa ang patay at tinatayang P8-M ang naabong ari-arian, sa naganap na sunog sa isang residential area sa Mindanao Avenue, Maharlika Village, Taguig City, Martes ng gabi.
Hindi umabot ng buhay sa Taguig-Pateros District Hospital ang biktimang si Pakirim Kudarat, 61, nang ma-trap sa loob ng kanyang bahay at nakita kahapon ng umaga sa ilalim ng lababo ang bangkay ni Norayda Diamla, 40, kapwa ng Barangay Maharlika Village, ng nasabing siyudad
Sina Camila Tabawa, lapnos ang balat nang madikitan ng nasusunog na tarpaulin; Alan Pomene, na nabalian naman at si Suraida Solayman, napilayan matapos tumalon dahil sa takot at pagkataranta mula sa ikalawang palapag habang nasusunog ang kanilang bahay at ang tatlo ginagamot sa nabanggit na ospital .
Sa ulat na tinanggap ni Sr. Insp. Vener Sevilla, ng Taguig City Fire, dakong 9:25 ng gabi nang mangyari ang sunog sa Mindanao Avenue, Maharlika Village, na umabot ng Task Force Alpha.
Nasa 72 kabahayan ang nilamon ng apoy at mahigit sa 100 pamilya ang naapektuhan sa sunog na idineklarang fire-out dakong 11:00 ng gabi.
Ayon kay Taguig City Mayor Lanie Cayetano, tutulungan ng lokal na pamahalaaan ang mga pamilyang naapektuhan sa sunog.
(JAJA GARCIA)