NASABAT ng Bureau of Customs (BoC) kasama ang National Bureau of Investigation (NBI) at Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL) ang tinatayang P1-bilyon halaga ng mga pekeng produkto sa isang raid sa Parañaque City, nitong Martes.
Kabilang sa mga kontrabandong nahuli ang mga sapatos, damit, toiletries, at kung ano-ano pang aksesorya at sako ng bigas na pinaniniwalaang galing sa China.
Natuklasanan ang mga ito sa 17 warehouse na nasa loob ng tatlong compound na matatagpuan sa Qurino Avenue, Barangay Tambo.
Kinompirma ni Customs Deputy Commissioner for Enforcement Group Ariel Nepomuceno na ito na marahil ang pinakamalaking raid na isinagawa ng pinagsanib na pwersa ng BoC, NBI at IPOPHL.
“Ang Bureau of Customs sa pangunguna ni John Philip “Sunny” Sevilla ay hindi papayagan na makalusot ang ganitong klase ng mga ilegal na aktibidad. Gagawin namin ang lahat ng aming makakaya para malaman kung paano naipuslit ang ganito karaming kontrabando sa ating mga puerto na hindi man lang nahuhuli,” ani Nepomuceno.
Ayon sa mga awtoridad, ang mga nasabat na kontrabando ay dadalhin sana sa iba’t ibang pamilihan sa bansa gaya sa Metro Manila, Cebu at Cagayan de Oro, base na rin sa impormasyong nakalakip sa mga containers nito.
Samantala, inatasan na ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na i-freeze ang mga bank account ng mga responsible sa likod ng operasyong ito.
Ayon sa paunang report, ang mga warehouse ay nirerentahan umano ng ilang Chinese nationals na maaaring kaharapin ang ilang kaso sa ilalim ng landlord liability provision of the Intellectual Property Code of the Philippines. Inaresto na rin ang caretaker na nasa lugar nang isagawa ang nasabing raid.
Hindi ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakasakote ang BoC kasama ang iba pang ahensya ng gobyerno ng mga pekeng gamit sa isang raid.
Nitong Pebrero 7, nahuli ang tinatayang P600-milyon halaga ng mga pekeng gamit sa kaparehong operasyon sa Pasay at Parañaque.
Samantala, nadiskubre kamakailan ng BoC ang 50 container vans ng basura gaya ng iba’t ibang klase ng plastic at adult diapers mula Canada na nagkakahalaga ng P10-milyon na idineklara ng consignee nito bilang scrap metals.
“Iniimbestigahan na ang naturang kompanya at ipinapabalik na sa point of origin sa Canada ang mga basura,” ani Nepomuceno.
“Malinaw na mayroong nilabag na batas laban sa kalikasan na nakapaloob sa Tariff and Customs Code,” sabi ni Nepomuceno na ipinag-utos na rin sa ahensya na doblehin ang pag-iinspeksyon sa container vans para malaman kung ito ay delikado.
Dagdag ni Nepomuceno, pinaiigting na ng ahensya sa ilalim ni Sevilla ang paglipol sa smuggling sa bansa para na rin protektahan ang interes ng mga lokal na mangangalakal na maaaring maapektohan ang negosyo kapag kumalat ang mga pekeng kontrabando bukod pa sa banta ito sa kalusugan. (BONG SON)