POSIBLENG makasuhan ng kasong katiwalian ang mga opisyal ng Department of Transportation and Communications (DoTC) sa sandaling ilarga ang P1.7 bilyon LRT-MRT Common Ticketing System Project.
Ayon kay Jason Luna, Convenor ng Coalition of Filipino Consumers, isang umbrella organization ng limang urban poor groups, malamang na kasuhan nila ng graft sa Office of the Ombudsman ang DoTC matapos desisyonang i-award ang proyekto sa isang bidder na sinasabing nag-alok ng isang bid na makasasama sa taong bayan.
Aniya, malinaw sa Section 15 ng Ombudsman Law na pwedeng magsampa ng kasong katiwalian ang mga mamamayan sa isang opisyal ng gobyerno na nagdesisyon nang hindi nakabubuti sa kapakanan ng mamamayan.
Maaalaalang binuksan ng DoTC ang bidding para sa LRT-MRT common ticketing system project noong isang taon sa halagang P1.76 bilyon. Makikinabang aniya sa nasabing proyekto ang mahigit 4.6 milyong Filipino na gumagamit ng LRT at MRT.
Para kay Luna, maganda ang proyekto dahil hindi na mahihirapan sa pagbabayad ang commuters at maidurugtong na ang bayaran ng LRT at MRT. Kikita pa umano ang bidders sa advertising revenues mula sa Smart Cards.
Mawawala na rin ang mahabang pila sa mga estasyon ng LRT at MRT dahil papalitan na ang Magnetic Stripe System ng isang Contactless Smart Card Technology, na inita-tap na lamang ang card sa makina bilang katunayan ng bayad.
Sa siyam na bidders, naisama sa shortlist ang lima hanggang tatlong malalaking bidders na lamang ang natira. Nagsumite ng negative bids ang mga bidder na ang layunin ay ibalik ang mahigit isang bilyon piso sa pamahalaan bilang concession fee.
Iginawad ng DoTC sa AP Consortium ang proyekto sa kabila ng alok na pagbabayad ng concession fee na P279 milyon kompara sa bid ng SMIC na magbabayad ng isang bilyong piso sa sandaling mapirmahan ang kontrata.
Sinabi ni Luna na lulutuin na naman sa sariling mantika ang sambayanang Filipino kung papayag ang pamahalaan na P279 milyong lamang ang ibabayad na concession fees ng Ayala-Metro Pacific na gaya sa kontratang pinasukan ng pamahalaan sa Meralco.
Ayon kay Luna, hindi umano makatarungan na maghintay pa ng sampung taon ang pamahalaan para makumpleto ang bayad na 800 milyong piso.
Nagbigay pa ng kondisyon ang ap consortium na depende sa bilang ng gagamit ng Smart Card ang kanilang bayad, na nagbigay duda aniya na baka mas mababa pa sa 800 milyong piso ang sumang kita ng pamahalaan sa nasabing proyekto.
Ayon sa Ayala-Metro Pacific, babayaran nila ang pamahalaan ng P800 milyon sa loob ng 10 taon kompara sa alok ng SM-IC na isang bilyong piso agad-agad sa sandaling magkapirmahan ng kontrata.
Nagbigay din ng kondisyon ang Ayala-Metro Pacific na depende sa aktwal na bilang ng mga gagamit ng Smart Card ang kanilang ibabayad hanggang 2025.
Patunay ito, ayon kay Luna, na maaaaring mas mababa kaysa P800 milyon ang ibabayad ng Ayala sa loob ng 10 taon sa pamalaan.
Pabor din ang CFC na patutukan sa Kongreso, lalo na sa Senate Blue Ribbon Committee ang nasabing anomalya sapagkat hindi sapat na naipaliwanag ng DoTC kung bakit ganoon ang kanilang naging desisyon.
(MON ESTABAYA)