KASUNOD ng pagsasalita ni former presidential social secretary Ruby Tuason, hinimok ng Malacañang ang iba pang may nalalaman sa multi-billion peso pork barrel scandal na isiwalat na rin ang kanilang hawak na mga impormasyon.
Tiniyak ni Communications Sec. Herminio Coloma Jr., nakahanda ang Department of Justice na tanggapin ang ano mang ebidensya laban sa kaso at i-assess ang mga informant na maaaring isailalim sa Witness Protection Program ng pamahalaan.
“Aalamin ng DoJ kung mayroong sapat na batayan upang bigyan din sila ng konsiderasyon na lumahok sa Witness Protection Program o ituring na saksi para sa pamahalaan (state witness), isasagawa ng DoJ ang mga nararapat na hakbang upang isulong ang pagpapatunay sa umano’y maling paggamit ng pondo ng bayan,” ani Coloma.
Si Tuazon ang sinasabing “conduit” nina Senators Juan Ponce-Enrile at Jinggoy Estrada kay Janet Lim-Napoles, itinuturing na mastermind sa pork barrel scam.
Umaasa rin ang gobyerno na magsasalita na rin si Atty. Gigi Reyes, dating chief of staff ni Enrile.
Ayon kay Coloma, malaking bagay ito sa pagkamit ng katarungan laban sa mga nagnakaw sa pera ng bayan.
(ROSE NOVENARIO)
NAPOLES HINIMOK MAG-STATE WITNESS
NANINIWALA ang lumutang na mga testigo sa kontrobersyal na P10 billion pork barrel scam na lalo pang mapagtitibay ang kasong naisampa laban sa mga mambabatas at iba pang mga dawit sa anomalya sakaling magsalita at magsabi nang katotohanan si Janet Lim-Napoles.
Ayon kay Atty. Levito Baligod, abogado ni Benhur Luy at pangunahing testigo sa pork barrel scam, mas nakabubuting maging state witness na lamang si Napoles lalo na’t ang non-government organization (NGO) nito ang ginamit ng mga mambabatas upang paglaanan ng kanilang PDAF funds.
Ito’y kahit pa sapat aniya ang hawak nilang mga ebidensya at mga testigo laban sa mga kinasuhang mambabatas sa Office of the Ombudsman.
Inihayag pa ni Baligod na makatutulong din sa kaso ang paglutang ni Ruby Tuason sa NBI upang ibunyag ang lahat ng kanyang mga nalalaman lalo na ang nangyaring transaksyon ni Napoles sa dawit na mga mambabatas partikular na sa usapin ng kickbacks.
Una nang sinabi ni Tuason sa kanyang affidavit na isinumite sa DoJ at pinanumpaan sa Ombudsman, nasa 1.5 percent ang kanyang natatanggap bilang referral fee noong 2004 mula kay Napoles.
‘MERYENDA’ NI JINGGOY DALA NI RUBY
MERYENDA lang at hindi pera ang inihahatid ni Ruby Tuason sa tuwing dadalaw sa kanyang tanggapan sa Senado, pahayag ni Senador Jinggoy Estrada.
Tinawag ng senador na “basement issue” ang pahayag na doon sila nagkikita ni Tuason sa tanggapan niya tuwing maghahatid ng pera.
Ayon kay Tuason, ang pera ay kickback ng senador mula sa sariling pork barrel ni Estrada na idinaan sa bogus na NGOs ni Janet Lim Napoles, ang itinuturong utak sa P10-billion Priority Development Assitance Fund (PDAF) scam.
“Kapag pumupunta sa Senate iyan [Tuason], tatawag sa akin iyan, ‘Uy Jinggoy pasundo mo naman ako rito.’ O sige. Uutusan ko ang driver ko or security ko, sunduin mo si Tita Ruby sa baba. May dalang meryenda ‘yan. I still remember kung anong klaseng meryenda eh. A couple of times, may dala siyang sandwich galing sa Milky Way,” ayon kay Estrada.
Muling iginiit ng solon na hindi siya nababahala sa pagbaligtad ni Tuason laban sa kanya at haharapin niya nang patas ang kasong kinasasangkutan niya.
Si Tuason ay dating social secretary ni dating Pangulo at ngayo’y Manila Mayor Erap Estrada na sinasabing nagpakilala kina Sen. Estrada at Juan Ponce Enrile kay Napoles.