Nakatakdang gisahin ni Sen. Miriam Defensor-Santiago si Ruby Tuason, isa sa mga kinasuhan ng plunder kaugnay ng pork barrel scam at ngayo’y nagnanais maging state witness, kapalit ng testimonya laban sa mga personalidad na isinasangkot sa naturang katiwalian.
Matapos lumantad ni Tuason, agad sumulat si Santiago kay Sen. Teofisto Guingona, chairman ng Blue Ribbon Committee, para irekomenda ang isang public hearing at inihayag ang kaniyang kagustuhan na tanungin ito.
“She should testify on charges of alleged plunder now pending with the Ombudsman, against herself, as well as certain senators. Should you approve this proposal, I would also like to reserve my interpellation for Ms. Tuason,” hiling ni Santiago.
Hiniling ng senadora na mabigyan siya ng tiyak na oras para isalang si Tuason sa interpellation sa susunod na linggo.
Aniya, hanggang dalawang oras lang siya pwedeng tumayo sa podium at magsalita dahil sa kanyang chronic fatigue syndrome.
PORK SCAM EXPOSé NI RUBY IDEDETALYE
Hindi tutol si Justice Secretary Leila de Lima sa pagharap ni Ruby Tuason, dating social secretary ni dating pangulo at Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada sa Senate hearing hinggil sa pork barrel scam.
Ani De Lima, nasa affidavit ni Tuason ang mga mahahalagang impormasyon sa kaniyang partisipasyon sa PDAF at Malampaya scam.
Inihayag ng kalihim, pagtiyak na lamang ng seguridad ni Tuason at ng iba pang mga whistleblower ang kanilang konsentrasyon para mapanagot ang mga nakinabang sa naturang anomalya.
Magdedepende pa rin aniya sa mga katanungan ng mga senador ang mga kasagutan ni Tuason sa usapin.
Nabatid maging ang naka sick-leave na si Sen. Miriam Defensor-Santiago ay dadalo sa pagdinig upang pigain si Tuason kaugnay ng anomalyang kinasasangkutan nito sa Malampaya at pork barrel fund scam na kinasasangkutan ni Sen. Juan Ponce Enrile.
Isiniwalat ni De Lima ang bahagi ng sinumpaang salaysay ni Tuason na aniya’y lalong tumibay ang kaso laban sa mga sangkot sa pork barrel scam nang aminin ni Tuason na siya mismo ang personal na naghahatid ng pera sa tanggapan nina Sen. Jinggoy Estrada at Enrile sa Senado.
Inamin umano ni Tuason na siya ang nagpakilala kay Janet Lim-Napoles kina Estrada at Enrile maging sa dating chief of staff ng dating Pangulo ng Senado na si Atty. Gigi Reyes.
Sa mga testimonya ni Tuason, sinabi ng kalihim na qualified ito na masailalim sa state witness alinsunod sa standards ng WPP.
OMBUDSMAN BAHALA KAY TUASON — PALASYO
Nagpaliwanag ang Malacañang matapos ulanin ng batikos ang mabilis na pagtanggap ng gobyerno sa alok ni Ruby Tuason na maging state witness sa kinasasangkutang P10-B pork barrel scam, na isa siya sa kinasuhan ng plunder.
Ilan sa mga reaksyon ng publiko ang posibilidad na pamarisan ito ng ibang nagbabalak makipagsabwatan para magnakaw at ilalaglag lang ang kasabwat kapag nagkabistuhan para iwas sa kaso.
Naniniwala ang ilang kritiko na dapat tuluyan sa kaso si Tuason dahil umaabot sa P240 million ang kanyang nakuhang kickback na commission.
Ani Presidential Spokesman Edwin Lacierda, may kondisyon ang alok ni Tuason at pag-aaralan pa ng Ombudsman kung puwedeng maging state witness.