IKINOKONSIDERA ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang pag-imbestiga kay Davidson Bangayan o David Tan upang malaman kung nagbabayad siya nang tamang buwis.
Ayon kay BIR Commissioner Kim Henares, maraming naiulat na naging mga negosyo si Bangayan, sinasabing pawang mga walang kaukulang dokumento.
Inihayag ng opisyal na patuloy pa ang pangangalap ng ahensya ng mga ebidensya at iba pang mga dokumento.
Napag-alaman, una nang inamin ng sinasabing rice smuggler king na mayroon siyang negosyong metal scrap, bigasan, at iba pa.
(BETH JULIAN)
BANTA NI DUTERTE VS DAVIDSON ‘DISTURBING’ DE LIMA
DESMAYADO si Justice Sec. Leila de Lima na hindi pinuna at hindi direktang sinaway ng mga senador ang pagbabanta ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte nang sabihin na kaya niyang pumatay ng smuggler at handa rin siyang makulong.
Napapailing din siya sa reaksyon ng ibang mambabatas na tinawag pang “idol” ang kontrobersyal na alkalde at may pagkakataon pa na tinawag na “Senator Duterte.”
Ayon kay De Lima, ayaw niyang pangunahan ang mga senador ngunit maituturing na “disturbing” ang mga pahayag ukol sa pagpaslang ng tao, kriminal o hindi.
“That is so disturbing. You cannot just do that. Rule of law tayo, ‘di ka lang basta-basta magpatay ng tao. I find it disturbing,”€wika ni De Lima.
Giit ng kalihim, nasa pamahalaan pa rin ang alkalde na nangangahulugang sakop ang opisyal ng mga umiiral na batas.
Nairita rin ang kalihim sa mga pahayag ni Duterte na puro lamang salita ang mga ahensya ng gobyerno at kulang sa gawa.
Dapat aniyang maunawaan ng Davao mayor na tumutugon lamang sila mga tanong ng media at publiko kaya nagsasalita.
Habang hindi naman maaaring ilabas lahat sa taongbayan ang buong detalye ng kanilang mga aksyon, lalo na sa paghahabol sa mga smuggler dahil may maseselang bahagi ito na maaaring makaapekto sa kanilang trabaho.