HINDI prayoridad ni Pangulong Benigno Aquino III ang maisabatas ang anti-political dynasty bill.
“Marami tayong pinagkakaabalahan sa kasalukuyan both in the domestic and in the international scene. So gusto kong makita ang lahat ng detalye muna at hihingi ako ng paumanhin, hindi ‘yan ang isa sa pinakamataas na priority natin sa kasalukuyan. Pero pag nakita nga ho natin at talagang doable, bakit naman hindi,” sagot ng Pangulo sa hirit ng ilang kongresista na sertipikahan niya bilang urgent ang anti-political dynasty bill.
Sa kanyang liham kay Aquino, sinabi ni Caloocan Rep. Edgar Erice na constitutional duty ng Kongreso ang magpasa ng batas na magtatakda at magbabawal sa pagtatayo ng political dynasties ayon sa Section 26 Article 2 ng 1987 Constitution.
Inaprubahan na sa committee level ng Mababang Kapulungan ang House Bill 3587 o An Act Prohibiting the Establishment of Political Dynasties na may layuning pagbawalan ang mga kaaanak ng mga politiko hanggang sa “second degree of consanguinity or affinity from holding or running for national or local posts in successive, simultaneous, or overlapping terms.”
Kabilang sa mga may-akda ng panukalang batas, bukod kay Erice ay sina Rep. Oscar Rodriguez ng Pampanga, at Makabayan bloc ng Kongreso na binubuo nina Reps. Neri Colmenares at Carlos Zarate ng Bayan Muna, Luz Ilagan at Emmi de Jesus ng Gabriela, Antonio Tinio ng ACT Teachers, Antonio Hicap ng Anakpawis, at Terry Ridon ng Kabataan.
(ROSE NOVENARIO)