KINALSUHAN ‘este’ KINASUHAN na ng mga Senior Citizen sina Commissioner on Elections (Comelec) Chairman Sixto Brillantes kasama ang mga komisyoner na hindi nagproklama kay Rep. Godofredo Arquiza kahit matagal nang iniutos ng Supreme Court.
Sa kanyang “Very Urgent Omnibus Motion,” sinampahan ni Arquiza, presidente ng Coalition of Associations of Senior Citizens in the Phils., ng contempt of court sina Brillantes, Commissioners Lucenito Tagle, Elias Yusoph at iba pang komisyoner nang hindi ipatupad ang utos ng SC noong Hulyo 23, 2013 na iproklama ng Comelec ang dalawang nominado ng Senior Citizens Party-List matapos makakuha ng mahigit 600,000 boto sa nakaraang May 2013 elections.
Binaliktad ng Supreme Court ang naunang diskwalipikasyon ng Comelec sa nasabing party-list bago mag-eleksiyon kaya tumakbo ang Senior Citizens na nahati sa paksiyon ni Arquiza at dating nominado na si Francisco Datol, Jr.
Si Arquiza ay sinuportahan ni Romulo Alveres, pangulo ng United Senior Citizens Association-National Capitol Region, sa pagsasabing malinaw na contempt of court o paghamak sa hukuman (SC) ang patuloy na hindi pagpoproklama ng Comelec sa mga kinatawan ng Senior Citizens lalo’t may walong milyon na ang nakatatanda sa buong bansa.
Tanong nga ni Alveres, matagal nang iniutos ng SC sa Comelec ang pagpoproklama sa dalawang kinatawan ng Senior Citizens pero magkano ‘este’ ANO ang hinihintay ni Brillantes at kanyang mga komisyoner para suwayin o hindi ipatupad ang utos ng kataas-taasang hukuman?
Mantakin naman ninyo, mismong sina Brillantes, Tagle at Yusoph ay pawang Senior Citizens na rin pero hindi sila nagpapakita ng malasakit sa sector na kanilang kinabibilangan?
Ano ang mahihita natin sa mga taong maging sariling sector nila ay tinatraydor?!
Mukhang ‘yang si Brillantes at ang 3-M division talaga ang nagpapagulo d’yan sa Comelec?
Kaya doon sa mga naghahangad makapwesto sa 2016, mag-esep-esep kayo hangga’t naririyan pa si Brillantes at ang notorious na 3-M division.
Hangga’t naririyan sila, mukhang hindi titino ang eleksiyon sa Philippines my Philippines.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com