UMABOT hanggang T.M. Kalaw St., ang pila ng mga debotong nais makahalik at makapagpunas sa Itim na Nazareno habang nasa Quirino Grandstands at nakatakdang iparada sa Maynila bilang pagdiriwang ng pista ng Poon sa Quiapo, Manila. (BONG SON)
WALANG banta ng terorismo sa isasagawang prusisyon sa pista ng Poong Nazareno ngayon.
Ito ang inihayag kahapon ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda.
“Walang ganung klaseng banta. We have not received any,” tugon niya hinggil sa posibleng terror threat sa prusisyon na lalahukan ng daan-daan libong katao mula Luneta patungong simbahan sa Quaipo ngayon.
Dahil dito ay hindi na kailangang hilingin muli ng pamahalaan sa telecommunication companies na pansamantalang putulin ang signal ng cell phone sa mga lugar na daraanan ng prusisyon.
“Walang ganung plano this year,” ani Lacierda.
Noong 2012 ay mismong si Pangulong Benigno Aquino III ang nagsiwalat sa publiko na nakatanggap siya ng impormasyon na plano ng isang teroristang grupo na guluhin ang prusisyon ng Nazareno kaya’t pansamantalang pinutol ng telecommunication companies ang signal ng cell phones sa mga lugar na dinaanan ng prusisyon.
Ang naturang hakbang ay ipinatupad upang maiwasan ang posibleng pambobomba gamit ang cell phone bilang triggering device.
Tiniyak ng kalihim na may kakayahan ang mga awtoridad na panatilihin ang peace and order sa nasabing aktibidad.
(ROSE NOVENARIO)
JONES BRIDGE LIGTAS DAANAN NG PRUSISYON
Kompiyansa ang Department of Public Work and Highways (DPWH), ligtas daanan ang Jones Bridge sa Maynila kahit daan-daang tao ang sabay-sabay na tumapak doon sa kasagsagan ng prusisyon ng Poong Nazareno.
Sa pahayag ni DPWH Undersecretary Romeo Momo, nainspeksyon na ng DPWH engineers ang tulay bago pa inirekomendang dito idaan ang prusisyon imbes sa Mcarthur Bridge
(LEONARD BASILIO)
MPD HANDA NA
HANDA na ang Manila Police District sa gagawing traslacion o prusisyon ng Itim na Nazareno ngayong umaga.
Dakong 12:00 ng hatinggabi kahapon, isinara na ang Katigbak Drive at South Drive patungong Quirino Grandstand.
Ang mga apektadong motorista na manggagaling ng northern part ng Maynila at dadaan ng southbound ng Bonifacio Drive, maaaring kumaliwa sa Katigbak patungo ng Anda Circle, kanan sa A. Soriano patungo ng Magallanes Drive, kanan sa P. Burgos at saka diretso sa Lagusnilad via Taft Avenue.
Ang mga sasakyan na manggagaling ng southern part ng Maynila na dumadaan sa northbound bound lane ng Roxas Blvd mula Kalaw hanggang P. Burgos ay maaring kumanan sa Kalaw patungo sa kanilang destinasyon.
Iyon namang mga gagamit ng northbound ng Taft Avenue ay pinapayuhan na kumanan sa UN Avenue at kaliwa sa P. Guazon patungo sa destinasyon.
PRUSISYON SAGRADO
UMAPELA ang kura paroko ng simbahan ng Quiapo na panatilihing sagrado, igalang at pahalagahan ng mga deboto ang pagsasagawa ng Traslacion sa Itim na Nazareno ngayong araw.
Pinaalalahanan din ng pari ang mga mamamasan at mga deboto na dapat igalang ang sakramento ng banal na misa bago ang Traslacion.
Hindi aniya dapat hayaan ng mga ito na mahinto ang pagbibigay ng final blessing ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle, na siyang hudyat ng pagsisimula ng prusisyon.
(LEONARD BASILIO)
Mga bata ‘wag isama
TIGDAS POSIBLE
NANAWAGAN ang Department of Health sa publiko na huwag nang isama sa prusisyon ng Itim na Nazareno ngayong araw (Huwebes) ang mga bata at matatandang may sintomas ng tigdas upang maiwasan ang posibleng hawahan ng naturang sakit.
Ang pahayag ni Health Assistant Secretary Dr. Eric Tayag, direktor ng National Epidemiology Center (NEC) ng Department of Health (DoH), sa mga magulang, kasunod nang inaasahang pagdalo ng milyun-milyong deboto sa translasyon ng Nazareno ngayong araw, kung saan maraming mga magulang ang hindi mapigilan na isama ang kanilang mga anak.
“Sa Pista ng Nazareno, alam ng Kagawaran ng Kalusugan na maraming namamanata kasama yung mga bata. Ang mga batang may lagnat ay ‘wag na pong pasamahin sa prusisyon para sa ganun ay makaiwas tayo sa pagkalat ng tigdas,” ani Tayag.
(LEONARD BASILIO)
GOV’T OFFICES SA MAYNILA WALANG PASOK NGAYON
Kanselado ang pasok sa lahat ng opisina ng gobyerno sa Maynila ngayong Huwebes, Enero 9, matapos lagdaan ni Mayor Joseph Ejercito Estrada ang Executive Order 42, dahil sa kapistahan ng Itim na Nazareno.
Hindi naman saklaw ng kautusan ang mga empleyado sa emergency, disaster, health, at social service offices.
Una nang kinansela ang pasok sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong paaralan sa lungsod.