AMINADO ang Kamara na mas mahina ang kanilang naging performance ngayon taon, kompara noong 2010, 2011 at 2012.
Nabatid na kakaunti pa lamang ang naging produktong batas ng kasalukuyang Kongreso mula nang mag-umpisa ito noong Hulyo.
Apat lamang ang napagtibay na batas na kinabibilangan ng kanselasyon ng Sangguniang Kabataan (SK) elections, P14.6 billion supplemental budget, 2014 General Appropriations Act (GAA) at ang joint resolution na nagpalawig ng validity ng calamity funds at iba pang pondo sa ilalim ng 2013 budget.
Sinabi ni House Majority Leader at Mandaluyong City Rep. Neptali Gonzales II, naging mabagal ang proseso ng mga panukala sa Kamara dahil natagalan ang pag-oorganisa ng mga komite sa kapulungan.
Naging abala rin aniya sila sa pagdinig sa 2014 budget.
May ilan aniyang panukala na hindi na naihabol sa agenda ng plenaryo kagaya ng free mobile alert for disasters, anti-political dynasty at pagtukoy ng lupaing pag-aari ng gobyerno na magagamit sa socialized housing.
Samantala, aminado si Gonzales na ang isyu ng pork barrel abolition ang pinakamabigat na isyung hinarap ng unang bahagi ng 16th Congress ngunit dapat pa rin aniyang papurihan ang mga kongresista dahil nagawang pagtibayin ang “pork less” 2014 budget nang “on time.” (HNT)