PINATAY kahapon si Elena Miranda (babae sa larawan), ang prime witness sa pagpaslang kay Domingo “A1” Ramirez noong May0 26. Si Ramirez ay kilalang leader ng Alab ng Mamamahayag (ALAM) sa Baseco na nakatakdang tumakbo sa halalang pambarangay nitong nakaraang Oktubre bago siya pinaslang. Humalili sa kanyang pagtakbo ang anak na si Aljon “A1” Ramirez (ang lalaki sa larawan), masugid din na sinuportahan ni Miranda. (BRIAN BILASANO)
“Anak may tama ako!”
Ito ang huling salita na binigkas ng isang 45-anyos ginang sa kanyang bunsong anak na babae nang barilin sa loob mismo ng kanilang bahay sa Baseco Compound, Port Area, Maynila, iniulat kahapon.
Dead on the spot ang biktimang si Elena Miranda ng Block 5, Old Site, Baseco Compound, habang tinukoy ang suspek na isang alyas Ruel, na mabilis tumakas matapos ang pamamaril.
Sa imbestigasyon ni SPO3 Rodelio Lingcon ng Manila Police District Homicide Section, dakong 1:00 ng madaling-araw nang pasukin ng suspek ang bahay ng biktima na natutulog katabi ang tatlong anak.
Agad umanong bumunot ng hindi natukoy na kalibre ng baril ang suspek saka ipinutok na tumama sa kanang pisngi at kanang leeg ng biktima na agad niyang ikinamatay.
Ang biktima ay isa sa mga principal witness sa kaso ng pamamaslang kay Domingo “A1” Ramirez noong May 26.
Si A1 ay kilalang leader ng Alab ng Mamamahayag (ALAM) at nakatakdang tumakbo sa barangay election nitong nakaraang Oktubre pero hindi naisakatuparan dahil sa pagpatay sa kanya.
Sa halip, tumakbo ang anak ni A1 na si Aljon “A1” Ramirez ngunit tinalo ng incumbent/suspended barangay chairman na si Cristo Hispano.
Ang BASECO ay isa sa mga lugar na iniulat na nagkaroon ng talamak na vote buying nitong nakaraang eleksiyon.
ni leonard basilio