PATULOY na namamayagpag ang kinang ng ‘crying money’ na kinikita ngayon ng ilang ‘tulisan’ sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminals na nag-anyong transport solicitors o representatives.
Alam naman natin na mahirap kitain ang pera sa panahon ngayon. Ngunit ang pinagpapasasaan naman ng ilang tulisan sa transport ay mga kababayan nating domestic helper o overseas Filipino workers (OFWs).
Sonabagan!!!
Sandamakmak na ang sumama sa band wagon ng mga ‘namamalengke’ sa “OFWs transit passenger” na uuwi sa kanilang hometown sa Kabisayaan at Kamindanawan.
Para kumita lamang ng P500 kundi man P1K ay mamumuhunan ka ng kapal ng mukha na kunwari ay tiradang nagmamalasakit sa promding OFWs na tutulungan mong makakuha ng plane ticket para kaagad makauwi ng kanilang probinsiya.
Ang hindi alam ng pobreng OFW ay ipagkakanulo na sila sa travel agency na ‘tataga’ sa kanila ng malaking ‘patong’ kompara sa halaga ng tiket na mabibili sa airline ticketing office na napakalapit din lamang sa terminal na kanilang kinaroroonan.
May patong na mula P5K hanggang P8K ang bawat plane ticket na nabibili ng mga nalolokong OFWs.
Wala bang gagawing aksyon ang NAIA Terminal Managers at action officers sa isyung ito?
O tutunganga na lang kayo sa pagwawalanghiya sa mga OFWs!?
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com