Mga larawan kuha ni Ramon Estabaya
Ang mga lolo at lola sa GRACES – DSWD
Tinanggap ng mga taga-GRACES – DSWD ang donasyon ng Bobby Mondejar & Friends
Ang Friday Group
WHEN music went out of its way from a folk bar to an elderly care home for a cause, warmth, joy, love, and care, could be felt and seen in those crying and laughing faces of people who once in their life were the main protagonists in this society.
“Mabigat pala sa dibdib …” sabi ni Breezy Mondejar, anak ni Bobby Mondejar, ang tumatayong leader ng Bobby Mondejar & Friends (BM&F), isang acoustic band na tumutugtog sa mga kilalang folkbar and café sa Quezon City.
Ang komentaryong ito ni Breezy ay kaugnay ng reaksiyon ng mga lolo at lola na kasalukuyang kinakalinga sa Golden Reception and Action Center for the Elderly and Other Special Cases (GRACES), isang home for the aged institution na nasa ilalim ng pamamahala ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), nang marinig ang performance ng BM&F nitong nakaraang Linggo, Disyembre 1, sa Bago Bantay, Quezon City.
Ito ang araw na itinakda ng mga namamahala sa GRACES –DSWD para sa BM&F kasama ang Friday Group para sa Christmas outreach activity ng grupo.
Mabigat sa dibdib dahil sa unang kanta pa lamang ng BM&F na “Crying In The Rain” ng Everly Brothers, mayroon nang ‘nabasag’ na mga alaala. Isang lola ang umiyak, habang dalawang lolo naman ang masayang sinasabayan ang pag-awit ng banda.
Sa mga sumunod na awit, nakita ang iba’t ibang emosyon sa bawat mukha ng mga lolo at lola na naroon nang hapong iyon sa kanilang Kapilya at Multi-purpose center. Tila ang mga awiting naririnig nila sa nagpe-perform na acoustic band sa kanilang harapan ay nakapagpapagunita ng kanilang mga nakaraan, pinagdaanan at pinagdaraanan sa buhay.
Isa sa kanila ang isang 61-anyos lolo (tawagin natin siyang Lolo James), hiwalay sa asawa, may isang anak.
Nang marinig ni Lolo James ang banda ay nagbalik sa kanyang alaala ang masaklap na sinapit nang manalasa ang bagyong Ondoy noong 2009.
Aniya, mahilig siya sa musika at isa sa mga kinahiligan niya ay mangolekta ng mga selection ng The Beatles, Led Zeppelin, Rolling Stone, America, Eagles, Bread, Bob Dylan, CSN(Y) (Crosby, Still, Nash & Young), at iba pang banda na sumikat noong dekada 70 hanggang 80’s.
Pero lahat ng kanyang koleksiyon ay naglahong parang bula nang tangayin ng baha dahil sa bagyong Ondoy. At s’yempre bawat koleksiyon ay may kaakibat na alaala ng kanyang kabataan at nakaraan.
Kaya nang marinig ang isang acoustic band na live na nagpe-perform sa kanilang harapan nang hapong iyon hindi naiwasan ni Lolo James na balikan ang kanyang nakaraan. Humirit pa siya ng request na Homeward Bound ng Simon & Garfunkel.
Kung ang BM&F ang acoustic band, na kinabibilangan nina Bobby, Boy Collado, Joey Urquia, Wally Singson at Breezy Mondejar, ang Friday Group naman ay ang grupo ng fans nila na kinabibilangan ni Blenda, ang misis ni Bobby; ni Jessica, ang misis ni Boy; ni Cherry, ang misis ni Joey; at sina Regie, Zeny, Dadet and Doc Rotchie. Sila ang loyal fans and friends ng BM&F.
Mula sa simpleng panonood ng gig ng BM&F every Friday mula sa My Bro’s Mustache Folkbar (kasalukuyang under renovation) sa Sct. Tuazon, hanggang Café Mizmo Bar sa Kamias Road, nabuo ang isang proyekto, isang Dinner Show na itinanghal noong Setyembre 11 (2013) sa Moomba Bar sa Mother Ignacia St.
Bukod sa Mizmo Bar tuwing Biyernes, ang Bobby Mondejar & Friends ay mapapanood din tuwing Lunes ng gabi sa Musica Bar sa G Strips, Greenhills, San Juan; tuwing Martes sa Moomba Bar; tuwing Miyerkoles sa RAL’s, UP Techno Hub sa Commonwealth Ave.; at tuwing Huwebes sa Side Street Café sa Commonwealth Ave., Fairview, Quezon City.
Kung pagbabasehan ang panganganay ng BM&F sa pagsasagawa ng show, relatibong naging matagumpay ang dinner show, kapalit ng stress ni Mama Blenda.
Bahagi ng kinita sa nasabing dinner show ay inilaan para sa Christmas outreach activity para sa senior citizens ng Quezon City.
Nang inilunsad ang dinner show ay wala pang espisipikong target na institusyon ang grupo hanggang makita ang pangangailangan na mas kailangan pasayahin ang mga elderly na nasa isang home for the aged institution gaya nga ng GRACES.
Mula sa orihinal na planong magdonasyon ng wheelchairs, nagkaroon ng ideya na maghandog ng salo-salo (dinner pack) at tugtugan ang mga elderly.
Bukod pa sa ilang donasyon na pinagtulungan naman kalapin ng Friday Group gaya ng mga damit, Krystall herbal oil at herbal soap.
Tumulong din sa pagsasakatuparan ng nasabing Christmas outreach activity ang iba pang kaibigan ng BM&F na sina Tony Ong para sa wheelchairs, ang HCPC, Biguerlai, sina Vangie Mondejar Lee, Vic de Vera, at Edgar Tiburcio, at ang lahat ng mga sumuporta sa kanilang Dinner Show noong September 11.
Dahil naniniwala ang BM&F na ang musika ay isang inspirasyon, tinapos nila ang programa sa hapong iyon na masaya at nag-iindakan ang mga lolo at lola sa GRACES -DSWD.
Ayon kay Bobby, kung bibigyan pa siya ng pagkakataon, hindi sila magsasawang gawin ang Christmas outreach activity na gaya nito taon-taon.
“Kung kaya namin gawin every first Sunday of December ay gagawin namin.”
Ito ang tugon ni Bobby kay Flory Viquiera, executive officer of the day (EOD) ng DSWD nang magpasalamat ang GRACES at humiling na sana ay maulit ang nasabing activity na nagbigay ng kasiyahan sa mga elderly.
Bilang isang musikero, hindi malilimutan ng “leader of the band” ang inspirasyon ng musika sa isang tao.
Aniya nang minsang awitin niya ang “DO IT OR DIE” ng Atlanta Rhythm Section na may linyang … “Don’t let your troubles make you cry, don’t waste a moment wonderin’ why, when ev’rything goes wrong, you have to go on, and do it or die …” hindi niya alam na isang tao ang nailigtas niya ang kinabukasan.
“Hindi ko alam na may guest pala kaming isang doctor nang gabing iyon at mayroon siyang pinagdaraanan. Nang marinig niya ‘yung kanta, nabuhayan daw siya ng loob …
“Kaya nga no’ng pagbaba ko ng stage lumapit agad siya sa akin at nagpasalamat sa kinanta ko.”
Simula noon, ayon kay Bobby, lalo niyang minahal ang kanyang trabaho.
“Doon ko lalong, napatunayan na ang ginagawa namin ay hindi lang simpleng pagkanta at pagtugtog …sabi nga, ‘Music speaks what cannot be expressed, soothes the mind and gives it rest, heals the heart and makes it whole, flows from heaven to the soul,” pagwawakas ni Mondejar.
ni Gloria Galuno