NAPANIWALA ang 18-anyos estudyanteng babae ng miyembro ng “Dugo-dugo gang,” na naaksidente ang kanyang tiyahin kaya nakulimbat ang P275,000 halaga ng salapi at mga alahas sa Pasay City kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Pasay City Police chief, Sr. Supt. Michel Filart ang biktimang si Jan Veda Marie Pajarillo, ng #3919 A. Macabulos St., Brgy. Bangkal, Makati City.
Batay sa salaysay ni Pajarillo kay PO2 Catalino Gazmen, Jr., imbestigador, pasado 8 p.m. nakatanggap siya ng tawag sa telepono mula sa isang babae at sinabing naaksidente ang kanyang tiyahing si Maria Teresa Dungca at nasa malubhang kalagayan sa isang ospital,
Ayon sa babae, kailangan ng malaking halagang pambayad sa ospital ang kanyang tiyahin at ipinakukuha ang salapi at alahas sa loob ng kanilang cabinet.
Sinabi pa ng babae na magkita sila sa harapan ng SM Mall of Asia Circle at dalhin ang salapi, at pagsapit sa mall ay ibinigay niya sa suspek ang dala niyang shoulder bag na naglalaman ng P250,000 cash, 25,000 halaga ng mga alahas at bank passbook na nasa pangalan ni Christian Miguel Dungca.
Nang makuha ang dala niyang pera ay umuwi na ang ang biktima at nang dumating sa kanilang bahay laking gulat niya nang madatnan ang tiyahin sa loob ng bahay na hindi naman nasangkot sa aksidente.
Inihayag ng biktima sa pulisya na makikilala niyang muli ang suspek kapag muli niyang nakita. (JAJA GARCIA)