MAAARING maharap sa contempt charges ang sino mang maglalabas ng mga pahayag ukol sa tax case ni Sarangani Rep. Manny Pacquiao.
Ayon sa Court of Tax Appeals (CTA), sakop ng kanilang gag order ang kampo ni Pacquiao at ang Bureau of Internal Revenue (BIR).
Magugunitang naging mainitan ang palitan ng pahayag nina Pacman at BIR Comm. Kim Henares dahil sa P2.2 billion na sinasabing hindi nabayarang buwis ng Filipino boxing superstar.
Maging ang ina ni Pacman na si Dionisia Pacquiao ay ipinahihinto rin sa pagbibigay ng mga komentaryong maaaring makaapekto sa kaso.
Kaugnay nito, umapela rin ang CTA sa media na iwasan muna ang pagtalakay ng merito ng nasabing usapin dahil nasa proper forum na anila ito at kinakailangang maresolba sa pamamagitan ng legal process at hindi sa trial by publicity.
Nauna nang naghain ng petisyon si Pacman sa CTA na kinikwestyon ang BIR sa paghahabol sa P2.2 billion buwis. (HNT)