CAGAYAN DE ORO CITY – Patay ang isang sibilyan habang sugatan ang lima pa kabilang ang dalawang pulis sa demolisyon sa Purok 1, Brgy. Calangahan, sa bayan ng Lugait sa lungsod na ito kamakalawa.
Nabatid na makaraan ang insidente ay agad pinulong ni Misamis Oriental Governor Bambi Emano ang daan-daang apektadong pamilya, mga kinatawan at mga awtoridad na naatasan ng korte sa pagsasagawa ng demolisyon sa nabanggit na lugar.
Ito’y matapos humantong sa kaguluhan ang pagpapatupad ng court order ng demolition team para gibain ang kabahayan sa grupo ng ALBIDEL Organization na kinabilangan ng mga magsasaka at mangingisdang miyembro na umuukupa sa 37-ektaryang lupain sa nasabing bayan.
Sinabi ni Emano, labis siyang nabahala nang malaman na isa ang namatay sa insidente na si Nickson Tungao, tinamaan ng bala mula sa hindi pa matukoy na suspek.
Tinamaan din sa pamamaril ang mga sibilyan na sina Julius Oclarit at Jimmy Arcadio habang sugatan din ang dalawang pulis na sila SPO1 Jason Magno at PO1 Elnes Concha ng Regional Public Safety Battalion (RPSB-10). Napag-alaman umaabot sa 200 pamilya ang nawalan ng bahay dahil sa demolisyon. (BETH JULIAN)