NADALE ng ‘salisi ang isang Iranian national habang lulan ng eroplano patungo sa Manila mula sa Shanghai kamakalawa ng hapon.
Narekober ng Immigration officials sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 2 ang nawalang wallet ng Iranian na naglalaman ng 11, 000 RMB (Yuan) o katumbas ng mahigit P60, 000 mula sa dalawang Chinese national sa kanilang pagdating sa airport.
Inihayag ni Immigration officer Ma. Luisa Canlas kay Immigration supervisor Maida Rebong, isang paherong Iranian na kinilalang si Hamed Bolarjon, may misis na Filipina, at chef sa five star hotel sa Makati, ang nagreklamo na siya ay ninakawan habang lulan ng Philippine Airlines PR 339 mula sa Shanghai patungo sa Manila.
Inihayag naman ng tatlong Nigerian na pinigil ng Travel Control and Enforcement Unit (TCEU) ng Bureau of Immigration sa pagpasok sa bansa dahil sa kawalan ng dokumento, na nakita nila ang dalawang Chinese habang nagbibilang ng pera.
Bunsod nito, humingi ng tulong ang Immigration officer sa pulisya para sa imbestigasyon.
Hinarang nina SPO3 Roberto Figueras, SPO2 Percy Evangelista at PO3 Regidor Fajardo ang dalawang Chinese at nakompiska mula sa kanila ang 11 thousand RMB gayundin ang wallet.
Ngunit hindi inaresto ng mga pulis ang dalawang Chinese dahil ang mga dayuhan ay transit passengers lamang na may connecting flight patungo sa Indonesia.