KINOMPIRMA ni House Speaker Feliciano Belmonte na isang taga House appropriations committee ang pinagmulan ng pekeng special allotment release order (SARO).
Ayon kay Belmonte, base ito sa paliwanag sa kanya ni Cagayan Rep. Aline Vargas Alfonso na ang chief of staff na si Enrico Arao ay nagpunta sa NBI para magpaliwanag sa isyu ng pekeng SARO.
Si Arao ay sinasabing kaibigan ng isang lalaking taga-appropriations committee na pinanggalingan ng fake SARO.
Ang lalaking ito ay dati ring empleyado ng mga dating kongresista.
Sinabi ni Belmonte, tukoy na niya kung sino ang taga-appropriations committee na ito at kinausap na niya agad ang superior ng nasabing lalaki.
Balak ni Belmonte na magkaroon ng internal investigation sa isyu, ngunit mas gusto muna niya na paunahin ang NBI sa imbestigasyon para malaman kung isolated case ang pekeng SARO o kung mayroon pang ibang rehiyon na nakatanggap nito.
Inaatasan ng opisyal ang mga taga-Kamara na lubos na makipagtulungan sa NBI at tiyaking available sa imbestigasyon ang sino mang madadawit sa isyu.