Friday , November 15 2024

Lacson, ‘rehab czar’; ‘Balay’ group, tagilid

ITINALAGA ni Pangulong Aquino si dating senator Panfilo Lacson bilang ‘rehabilitation czar’ na mangangasiwa sa pagbangon ng Eastern Visayas.

Ngayon pa lang ay mukhang atat na si Lacson na bigyan ng kaluwagan sa pagbabayad ng buwis ang pribadong sektor na lalahok sa rehabilitation efforts ng gobyerno.

Parang tine-testing na agad ni Lacson kung papalag sa panukala niya si Finance Secretary Cesar Purisima na may obligasyon na mangalap ng buwis para maging pondo ng bansa.

Kapag pinayagan siya ni Pangulong Aquino  na gawin ito, mistulang inihandog na sa kanya ang mga magiging potential campaign donors sa ambisyon niya sa 2016 elections.

Sa kanyang pagiging ‘rehab czar,’ hindi maiiwasan na masagasaan din niya ang kaharian ni DILG Secretary Mar Roxas kapag nakipag-ugnayan siya sa mga lokal na opisyal.

Imposible rin na hindi niya makaka-engkuwentro si DSWD Secretary Dinky Soliman na tuloy-tuloy ang pag-ayuda sa mga biktima ng Yolanda.

Kung hihiling siya ng budget para sa mga ipatutupad na proyekto, nariyan naman si Budget Secretary Butch Abad na bubusisi sa kanyang mga hirit.

Ngayon pa lang ay mukhang si Lacson ang posibleng magiging dahilan para magsintir ang Balay Group kay Pangulong Aquino at muling iorganisa ang kanilang mga sarili bilang “Hyatt 10” at layasan ang administrasyong Aquino.

MGA DAWIT SA PORK BARREL

SCAM, KASUHAN NA

SA SANDIGANBAYAN

NGAYON buwan ng Disyembre ay inaabangan na ng lahat ang pagsasampa ng mga kasong plunder laban kina Sens Jinggoy Estrada, Bong Revilla, Juan Ponce-Enrile, Janet Lim-Napoles sa Sandiganbayan kaugnay sa P10-B pork barrel scam.

Kapag nangyari ito, awtomatikong aarestohin at ikukulong sila habang nililitis ang kaso, at saka palang mapatutunayan ng administrasyong Aquino na totoo ang ipinangangalandakan nitong tuwid na daan.

Ang problema lang ay kapag umiral ang ‘kamutan sa likod’ ng mga politiko, pakikisimpatiya nila sa isa’t isa at preserbasyon ng interes nilang naghaharing uri sa bansa.

Lalo na’t kapansin-pansin na hindi naman binabanatan nina Estrada, Enrile at Revilla ang Malakanyang, kundi ang Commission on Audit (COA), whistleblowers at si Sen. Miriam Defensor-Santiago ang dinudurog nila ang kredibilidad dahil naninindigan laban sa kanilang kabuktutan.

Huwag natin hayaan na masayang ang tagumpay ng bayan laban sa pork barrel, kailangan manatili ang pagbabantay sa usaping ito hanggang mapanagot ang mga taong responsable sa paghihirap ng ating bansa.

HAGUPIT NG POWER RATE

AT FUEL PRICES HIKE,

MATINDI PA KAY ‘YOLANDA’

LIBANG na libang ang publiko sa samo’t saring intriga sa politika at pagsubaybay sa mga pangyayaring dulot ni super typhoon Yolanda kaya nakapupuntos ang mga gahamang kapitalista na walang puknat na itinataas ang presyo ng mga pangunahing bilihin, gayondin ang oil companies na sunod-sunod na nag-anunsiyo ng pagtataas ng presyo ng produktong petrolyo.

Hindi nagpatalbog ang Manila Electric Company (Meralco) ni Manuel V. Pangilinan na noong nakaraang buwan lang ay nagdagdag ng P1.24/kWh singil sa koryente pero humirit na naman ng power rate hike ngayong Disyembre.

Aminado pa si Energy Secretary Jericho Petilla na walang magagawa ang pamahalaan para pigilan ito dahil resulta raw ito ng paggalaw ng presyo ng produktong petrolyo sa world market.

Kung tutuusin ay puwede namang magpatupad ng moratorium si Pangulong Benigno Aquino III sa power rate at fuel price hike bunsod ng deklarasyon niyang nasa state of national calamity ang bansa dahil sa Yolanda.

Sa ngalan ng pambansang interes ay maaari rin niyang atasan ang Kongreso na aksiyonan ang mga nakatenggang panukalang batas na may layuning amyendahan ang batas hinggil sa pagpapataw ng 12% value added tax (VAT) sa produktong petrolyo.

Dapat din niyang himukin ang Kongreso na amyendahan o ibasura ang Electric Power Industry Reform Act of 2001 (EPIRA) dahil hindi naman ito nagdulot ng abot-kayang presyo ng koryente, bagkus, ang pagsasapribado sa generation, transmission at distribution ng power ay nagresulta lamang sa pagkonsentra ng sektor sa kontrol ng mga pribadong monopolyong interes.

Sa isang ulat ng Department of Energy  ay lumabas na ang singil sa koryente sa residential customers sa Pilipinas ay mas mataas sa Japan at Singapore, habang ayon sa Joint Foreign Chambers of Commerce, ang mga residential customer sa Thailand, South Korea at Indonesia ay nagbabayad ng katumbas lamang ng generation charge na ibinabayad ng mga Pilipino.

Nakalilimutan kaya ni Pangulong Aquino na noong siya’y kongresista pa lang ay bumoto siya laban sa EPIRA kaya nananatili ang mahalagang tungkulin niyang tiyakin na abot-kaya ang presyo ng koryente.

Para sa reklamo, suhestiyon at  komentaryo tumawag o mag text  sa 09158227400 / Email: [email protected]

Percy Lapid

About hataw tabloid

Check Also

Sa pagwawakas ng politically charged teleserye Pamilya Sagrado 
PIOLO SUPORTADO PARTYLIST NA TAPAT SA KANYANG PRINSIPYO 

KAPANA-PANABIK ang pagtatapos ng socio-political-action drama teleserye ni Piolo Pascual, ang Pamilya Sagrado sa ABS-CBN bukas. At dahil dito hindi …

Christine Bermas Yen Durano Celestina Burlesk Dancer

Christine Bermas tuloy ang paghuhubad sa VMX 

SHOWBIZ KONEKni Maricris Valdez Nicasio NAKUWESTIYON ang muling pagsabak ni Christine Bermas sa pagpapa-sexy sa pamamagitan ng …

Winnie Cordero Amy Perez

Tita Winnie, Tyang Amy masaya, pressured sa balik-Teleradyo 

SHOWBIZ KONEKni Maricris Valdez Nicasio MAGKAHALONG saya at lungkot ang naramdaman kapwa nina Winnie Cordero at Amy Perez sa …

La Consolacion College Fire

Sa Mendiola, Maynila  
LA CONSOLACION NASUNOG EMPLEYADO SUGATAN

SUGATAN ang isang empleyado sa sunog na tumupok sa La Consolacion College, sa Mendiola St., …

Motorsiklo sinikwat tirador natunton sa mga kuha ng CCTV

Motorsiklo sinikwat ‘tirador’ natunton sa mga kuha ng CCTV

NADAKIP ng mga awtoridad ang isang lalaki matapos nakawin ang isang nakaparadang motorsiklo sa Sta. …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *