NAPANOOD namin ang dalawang naunang Kimmy Dora, ang Kambal sa Kyeme atTemple sa Kyeme at may mga nakatatawang parte sa kuwento at may mga OA rin lalo na si Kimmy na parang walang bago sa pagiging hayblad lalo na ‘pag kausap ang kapatid na si Dora.
At sa presscon ng huling installment ng Kimmy Dora Kiyemeng Prequel ay talagang tawa kami ng tawa habang pinanonood ang trailer dahil may bagong ipinakitang nakatatawa si Eugene Domingo bilang sina Dora at Kimmy at hindi na OA para sa amin.
Aliw na aliw kami sa mga eksenang sinisipsip ni Sam Milby ang hita ni Kimmy para mawala ang lason na ikinairita ni Dora at nagpakalunod para bigyan naman siya ng mouth-to-mouth recuscitation at habang ginagawa ito ng aktor ay bigla siyang nag-thumbs-up sa ate Kimmy niya.
Natawa rin kami sa sinabi ni Dora na, ”si ate Kimmy, gandang-ganda sa sarili” kasi ito ang mga kasalukuyang punch line ngayon kaya nakaaaliw kasi updated na ang mga joke, hindi na luma.
Aliw din ang eksenang sinasaksak ng paulit-ulit ni Dora si Joel Torre bilang kontrabida kaya sabi namin kay Direk Joyce Bernal bilang siya ang gumawa ng teaser ay sana hindi lang sa trailer maganda ang Kimmy Dora Kyemeng Prequel kundi sa kabuuan nito.
Pero nagulat kami sa pakiusap ni Uge na sana ay tulungan silang ma-promote nang husto sa panulat ang pelikula nila kasama sina Ariel Ureta, Moi Bien, Angel Aquino,Sam at Joel dahil wala silang trailer sa telebisyon dahil mahal nga raw kaya’t sa social media na lang sila maglalagay at libre pa.
Ang katwiran naman sa amin ng may-ari ng Spring Films na si Erickson Raymundokaya hindi sila kumuha ng spot sa TV.
“Mahal kasi, pinakamababang gastos mo is P10-M, eh, sayang. Sa social media na lang libre pa.
“Kasi nasubukan na namin before sa unang ‘Kimmy Dora’ na nag-rely lang kami sa social media and it was a hit, so effective ‘yung ginawa namin na roon maglabas ng trailer.
“Kasi isipin mo, first ‘yun at kumita, so maraming nakapanood sa social media.
“Tapos ‘yung pangalawang ‘Kimmy Dora’, ganoon din and it works also, so itong pangatlo ganoon din.
“At saka hindi na naman magugulat ang tao especially ‘yung mga nasa province kung ano ‘yung ‘Kimmy Dora’ kasi aware na sila kasi pangatlo na ito, unless una palang.
“Kapag narinig nilang ‘Kimmy Dora’, alam na nilang maganda at nakatatawa so, panonoorin nila kasi may recall na, especially ‘yung mga nakapanood sa dalawang nauna,” paliwanag mabuti.
Sabi naman ng supervising producer ng Kimmy Dora (Kyemeng Prequel) na si Cynthia Roque, ”sobrang mahal kasi Reggee, tapos hindi naman lahat maibibigay ‘yung gusto naming slot, isipin mo, thirty (30) seconder, it cost P240,000, kaya sa social media na lang talaga kasi worldwide naman ‘yun.”
Samantala, wala naman daw sa ilusyon ng mga taga-Spring Films kasama ang MJM Productions at Quantum na mag-number one sila sa box-office dahil alam nilang malalaking pelikula ang kalaban nila tulad ng My Little Bossings at Boy Girl Bakla Tomboy ni Vice Ganda.
“Kanila na ang number one, wala kaming iniisip na ganoon, maski na anong number pa, what we are concerned is kumita siyempre at ma-entertain ang manonood,” say naman ni Erickson sa amin.
Sabagay, sa promo at publicity kasi ay milyones na ang magagastos, paano pa ang pagagawang float para sa Metro Manila Film Festival parade na gaganapin sa December 24?
Tama, roon na lang ilaan ng Spring Films sa ipagagawa nilang float ng Kimmy Dora Kyemeng Prequel ang natitirang budget baka masilat nila ang Best Float at malaki rin ang premyo rito.
Anyway, mapapanood na ang Kimmy Dora (Kyemeng Prequel) sa Disyembre 25 pagbibidahan nina Uge, Angel, Ariel Ureta, Sam at Joel with Moi mula sa direksiyon niChris Martinez.
Reggee Bonoan