EKSAKTONG dalawang linggo na ang nakalipas nang bigyan halaga natin ang karaingan ng mga kababayan natin naghahanapbuhay nang marangal sa Ortigas Center, Pasig City/Mandaluyong City.
Mga dryaber ng mga UV na nagteterminal sa Ortigas Avenue ang nag-iyakan sa inyo hinggil sa sobrang pangongotong sa kanila ng ilang tiwaling tauhan – traffic enforcers ng MMDA na kabilang ang Task Force Edsa.
Naging problema ng mga drayber na legal naman ang kanilang linya maging ang mga terminal nila sa Ortigas Center ay talagang sadyang sinasalakay ng mga taga-MMDA sa lugar gayong hindi naman nasasakupan ng TF EDSA ang Ortigas Avenue.
Yes mga suki, ang mando ng MMDA TF EDSA ay sa kahabaan ng EDSA lamang ngunit dahil siguro hindi magkasya ang kanilang nakokotong sa EDSA maging ang hindi na nila AOR – ang Ortigas Avenue ay kanila nang sinalakay para kanilang huli-kotong operation. Madalas na inirereklamo ay ang ilang sakay ng mobile 5 at 6.
Estilo ng ilan sa mobile 5 at 6 ay kanilang hinuhuli ang mga UV driver sa Ortigas Center at saka dinadala sa EDSA para maging rasonable ang panghuhuli sa kanila. Ngunit naroon pa rin iyon maging sa loob ng Ortigas Center na nanghuhuli sila kahit na hindi nila hurisdiksyon. Kahit wala naman nilabag na batas trapiko ay kanilang hinuhuli at ipinipiit ngunit sa bandang huli pala ay kokotongan lang ang drayber.
Matagal-tagal nang naging problema ito ng mga drayber, ang mga damuhong mangongotong. Inilapit na nila ito sa MMDA Central Office pero tanging naging tugon ay pangakong aaksyonan.
Dahil nga walang nangyari sa reklamo, minabuting lumapit sa inyong lingkod ang mga biktimang drayber.
E ang atin lang naman ay trabaho. Kaya hindi natin tinigilan kalampangin ang MMDA.
Hayun, unang umaksyon sa pagkalampag natin ang ilan sa mga taga-mobile 5 at 6. Lamang ay kakaibang aksyon ang kanilang ginawa. Pinuntahan nila ang mga driver sa terminal at pinagbantaan dahil sa ginawang pagsumbong sa media.
Aysus mga tanga! Imbes magpakatino, napikon pa ang mga bugok at nagbanta pa.
Inakala naman ng mga hunghang na natakot ang mga drayber, sa halip ay lalo pang nagkaroon sila ng lakas loob at hindi nawalan ng pag-asa. Siyempre, nandiyan iyong ipinanalangin nilang matuldukan na ang pangongotong sa kanila.
Muli nilang inilapit sa inyong lingkod ang pagbabanta, kaya muli natin kinalampag ang MMDA.
Makaraan ang ikalawangh pangalampag, mismong hepe na ng TF EDSA ang umaksyon. Batid natin ang naging hakbangin ng hepe nang ipaalam ito sa inyong lingkod ang mga biktima.
Opo nitong nakaraang linggo ay nagpasalamat ang mga drayber sa atin dahil masasabing natuldukan na ang kanilang problema sa mga taga-MMDA. Wala nang umiikot na taga mobile 5 at 6 sa kanila. Iba naman ngayon. He… he… he… joke lang.
Hayun, ang mismong hepe ng TF EDSA ang umaksyon.
Pinagsabihan niya ang mga taga mobile 5 at 6 sa kanilang kalokohan. Sinabihan lang. Hindi ba dapat ay may disciplinary action sa mga hunghang? Well, mangyayari siguro ang pormal na imbestigasyon laban sa mga tiwali kung magsasampa ng pormal na reklamo ang mga drayber.
Anyway, masaya na ngayon ang UV drivers sa Ortigas Center. At least nawakasan na raw ang kalokohan ng mga taga-mobile 5 at 6. Sana nga. Opo sana nga hindi nila kayo iikutan ngayong magpa-Pasko.
Teka e sino ba iyong magiting at magaling na hepe ng TF EDSA?
Hayun ang action man daw na si Ginoong Roldan Avan. Ayon po sir, maraming salamat sa tugon. Sana magkapatino na ‘yang mga taga-mobile 5 at 6.
***
Para sa inyong rekl,amo, suhestiyon at komento magtext lang sa 09194212599.
Almar Danguilan