SA PAGKAKATALAGA kay dating Senador Panfilo “Ping” Lacson bilang Yolanda rehabilitation czar, malinaw ang nais sibihin ni PNoy na wala siyang bilib sa gaya nina DILG Secretary Mar Roxas at iba pang opisyal na dapat sana’y nakatutok sa pagbabalik-buhay at pagbabagong-tatag sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Yolanda.
Ang trabaho ni Ping ay isang FULL TIME job, ani presidential spokesperson Edwin Lacierda kahapon at si Lacson ay direktang mag-uulat lamang sa Pangulo ay hindi kanino pa man. Sa madaling salita, dahil siya ang MAN-IN-CHARGE sa proyektong ito, may kapangyarihan si Ping na pagulungin ang tinatayang aabot sa P130-bilyon Yolanda rehabilitation budget. At sa puntong ito maaaring pagtiwalaan si Lacson dahil may track record siyang hindi gumamit ng kanyang PORK BARREL. Ibig sabihin, hindi madaling masilaw sa salapi ang dating PNP chief.
Ang maganda pa rito, ang mga ahensiyang pinangungunahan ng iba pang mga CABINET SECRETARIES ay isasailalim lamang sa opisina ni Lacson na nangakong tatapusin niya ang trabaho bago matapos ang termino ni P-Noy.
Pero ano nga ba ang tunay na kuwento sa pagkakatalaga kay Ping? Maraming nagsasabi na preparasyon ito para sa kanyang paglaot muli sa national elections sa 2016. Kung president o bise president man ang kanyang tatakbuhin ay hindi pa malinaw pero duda na ang marami, lalo na ang kampo ni Roxas.
Handpicked daw talaga ng Pangulo si Lacson, ayon kay Sec. Sonny Coloma at nang ipahayag ni PNoy ang plano, agad naman daw itong umani ng suporta sa mga miyembro ng gabinete. Weh! Di nga, sir!?
May kinalaman ba dito ang Samar at Balay faction? Malapit na kasi ang halalan kaya parang kinakikitaan nang kaunting lamat ang grupo ng Pangulo. Si Executive Secretary Paquito Ochoa, Jr., ang umano’y kumausap at nagkumbinsi kay Lacson na tanggapin ang puwesto. Nito ngang Linggo, inianunsiyo ni Lacson ang kanyang pagtanggap sa alok ng pangulo.
So hindi ba nagulat ang Malakanyang dahil inunahan sila ni Ping na magsabi sa media? Baka nga naman kasi maharang pa ang appointment niya. He-he-he. Nice on, sir!
So, paano na ang ANTI-CORRUPTION BODY na pangungunahan sana ni Lacson? Wala na. Tila diyan na siya tututok hanggang sa pagbaba ni PNoy.
Sa ganyang trabaho, dapat talag ay isang tao na kayang dumisiplina sa mga pasaway. Pagdating sa management at pagpapatakbo ng ahensiya, hindi matatawaran ang kakayanan ni Ping.
Puwede nga siyang maging DILG chief e. Hindi ba mas bagay sa kanya ‘yang DILG, mga kanayon?
Joel M. Sy Egco