NAKAAALARMA ang mabilis na paglaganap ng HIV sa ating bansa, kung kaya’t nagsagawa ng libreng HIV testing na pinangunahan mismo ng Kamara.
Mula sa inisyatibo ng tatlong mambabatas na sina Akbayan Party-list Rep. Mario Gutierrez, Rep. Teddy Baguilat at Rep. Lani Mercado, inumpisahan kahapon ang naturang testing na magtatapos sa Miyerkoles at depende kong may extension pa.
Ayon sa mga mambabatas, nakababahala na ang lumalaking datos ng mga HIV positive at karamihan sa mga tinatamaan ay kabilang sa hanay ng kabataan.
Umaasa rin ang tatlo na boluntaryong magpapa-eksamin ang kanilang mga kabaro matapos na sila mismo ay dumaan sa nasabing testing.
Kaugnay nito, inihain ng tatlo ang House Bill 2744, para mabawasan ang bilang at labanan ang HIV na umabot na sa 6,000 katao ang naapektuhan sa pagitan ng January-October 2013. (JETHRO SINOCRUZ)