HINDI dapat pag-aksayahan ng panahon ng National Telecommunications Commission (NTC) ang ideya ng pagkopya sa panukala ng United States Federal Communications Commission (FCC) na pahintulutan ang mga pasahero ng eroplano na tumawag sa cell phone sa kalagitnaan ng flight.
Sa panukala para sa bagong guidelines, kakailanganin ng mga airline company ang magkabit ng special equipment, gaya ng satellite connection, upang mag-relay ng wireless signals mula sa eroplano patungo sa lupa.
Alam ko na puwede nang magsagawa ng in-flight calls ang mga pasahero sa ilang eroplano gamit ang teleponong nasa likuran ng headrest. May kamahalan ang pagtawag sa ganoong telepono, at sa maraming taon na ng pagbibiyahe ko sa loob at labas ng ating bansa, iisa pa lang — isang lalaking middle-aged — ang nakita ko’ng gumamit ng air phone. Walang dudang pinagtinginan siya ng lahat dahil sa obvious nang dahilan: ingay.
Hindi naman maikakailang hindi tahimik ang makipag-usap gamit ang cell phone. Parang sardinas na nga sa pagsisiksikan sa makikipot na upuan at masisikip na hilera, mas maiirita pa ang pasahero kung mapipilitan silang pakinggan ang pakikipag-usap sa telepono ng isang estranghero.
Kahit pa manaka-nakang makaririnig ng hilik, kakatwang isipin na ang mismong flight ang pinakapayapang bahagi ng pagbibiyahe kung pakaiisipin ang ingay pagpasok pa lang sa airport hanggang sa paglabas sa eroplano, pagdaan sa immigration at customs counters.
Kuwestiyonable rin ang kaugnayan ng kaligtasan ng biyahe sa paggamit ng cell phone sa pagpapasabog ng bomba sa kalagitnaan ng flight.
Kung nakakatakot para sa mga pasahero ang suicide bombers, hindi ba posibleng ma-terrorize rin sila sa sari-saring kuliling at maingay na pakikipag-usap sa cell phone sa 13-oras na biyahe mula Manila papuntang Los Angeles?
***
Walang kaso sa akin kung nagpa-convert na para maging Muslim ang 60-anyos na folk music legend na si Freddie Aguilar at ang 16-anyos niyang asawa kung tunay na nananampalataya sila kay Allah at sa mga aral ni Propeta Mohammed. Pero kung nais lang nilang makalusot sa batas ng bansa upang gawing legal ang kanilang pagsasama sa pamamagitan ng kasal, isa itong malaking insulto sa Islam.
Sina Aguilar, na Abdul Fared na ngayon, at ang dalagitang taga-Mindoro Oriental na si Sittie Mariam ay nagpakasal noong nakaraang linggo. Ipinagbabawal ng batas ang pagpapakasal ng mga menor de edad ngunit puwede naman ito sa Presidential Decree 1083 o ang Code of Muslim Personal Laws basta nagdadalaga na ang bride at pinayagan nang magpakasal ng kanyang mga magulang o guardian.
Kung Islam man ito, Iglesia Ni Cristo, Jehovah’s Witness, Romano Katoliko, Hinduism o Buddhism, ang pagpapalit ng relihiyon ay dapat na pananampalataya ang batayan, at hindi kapritso.
Kung tunay man o hindi ang pananampalatayang Islam ng bagong mag-asawa, hindi na natin malalaman ‘yun. At kung anuman ang katotohanan, kay Abdul Fared at kay Allah na lang ‘yun.
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
Robert B. Roque, Jr.