INILUNSAD ang organisadong vending program na kabilang sa mga plano ni Mayor Joseph Erap Estrada sa Divisoria, Maynila kamakailan.
Nakapagtitinda na sa tamang oras at may sukat na ang tindahan ng ilang vendor na sumunod sa alituntunin ng pamahalaang lokal ng lungsod.
Base sa isang tumata-yong vendor organizer sa lugar, ang ilan sa kanilang kasamahan sa pagtitinda na kumuha at nagbayad ng special permit sa Manila City Hall ay makapagtitinda na sa kani-kanilang mga puwesto.
Inorganisa ng grupo ni Carolina Francisco ng Samahan ng Maliliit na Manininda sa Divisoria ang epektibo at sistematikong vending program alinsunod sa utos ng lokal na pamahalaan.
Isa sa mga programang sinoportahan ng grupo ay ang Tent Vending Program gamit ang iisang uri ng tent at sukat na nababase sa city ordinance.
Ipinaubaya naman ni Mayor Estrada kay City Admin Atty. Samuel Garcia ang maayos na pakikipag-ugnayan ng mga vendor sa kanyang tanggapan.
Nagbigay rin ng 24-oras hotline si Estrada na maaaring tawagan ng grupo ng samahan ng mga manininda kapag mayroong mang-abuso sa kanila.
Samantala, malaking kalitohan para sa maliliit na sniper vendors ang itinayong grupo na USVDAI na minamandohan ni 1st District Councilor Dennis Alcoriza, dahil hinihikayat lamang ng isang Sgt. Jimmy Soriano para maging miyembro, ang mga vendors na mayroong malalaking puwesto sa lugar.
Nanawagan ang ilang sniper vendors na dapat imbestigahan ang kalakaran na ginagawa ni Soriano dahil sa paniningil nito para umano sa Manila City hall at MPD.
(BRIAN GEM BILASANO)