BUKAS ang Aquino government sa pagpapatibay ng panukalang batas laban sa tinatawag na political dynasties.
Ayon kay Presidential Communications Operations Office Sec. Herminio Coloma, Jr., matagal nang hinihintay ng taumbayan ang nasabing reporma na mismong ang 1987 Constitution ang nagtatakda.
“Ito po ay isang reporma na matagal nang hinihintay sa ating bansa dahil ito ay noon pang EDSA People Power revolution na naging batayan ng 1987 Constitution na unang nailagay ang prinsipyo ng anti-dynasty,” ani Coloma.
Gayonman, aminado ang opisyal na nasa mga mambabatas pa rin ang bola sa pagbalangkas ng enabling law para rito.
“Kaya lang po, kailangan din marinig ang tinig ng mga mambabatas na inihalal ng mga mamamayan para makita ‘yung magiging final na hugis nitong anti-dynasty bill,” dagdag ni Coloma.
Sa Senado, ilang senador na ang nagpahayag na susuportahan ang naka-binbing Anti-Political Dynasty Bill.