‘YAN ang PRAISE este press release ng ating boxing champ na si Manny Pacquiao sa kanyang laban bukas sa Macau kay Brandon Rios.
Sa press conference sinabi ni Pacman na mas inspirado siya sa laban niya ngayon dahil gusto niyang maging masaya ang mga kababayang naging biktima ng bagyong si Yolanda.
Kasi nga naman kapag may laban siya, nanahimik ang sambayanang Pinoy kaya kailangan niyang manalo para kahit paano’y makalimutan ng bansa ang lupit ng bagyo na kumitil ng maraming buhay.
“I am more motivated for this fight, to win this fight because what happened in the Philippines. My countrymen, I want to make them happy. To bring honour to my country.”
‘Yan ang eksaktong sabi ni Pacman.
Ang lupit bay!
Ang translation kaya ng pahayag na ‘yan ni Manny Pacquiao ay, “Ibabahagi ko ang 50 percent ng US$30 million na makukuha sa laban na ito manalo o matalo.”
Natutuwa naman tayo sa kanya na gusto niyang pasayahin tayong mga kababayan niya …
Pero mas matutuwa tayo kung mayroong substance o sustancia ang pahayag na ‘yan ni Manny.
‘Yun bang sasabihin niyang kalahati ng kikitain ko sa laban na ito ay INIAALAY ko sa mga BIKTIMA ng YOLANDA.
‘Yun yun!
‘Yun ang gusto nating marinig.
Aba ‘e llamado nang husto si PACMAN sa laban nila ni RIOS.
Sa lumalargang pustahan ‘e 1:5 si RIOS habang 1:120 si Pacman.
Mahilab-hilab rin ‘yan kapag nabawi ni Pacman ang laban niya ngayon.
Let’s wait and see …
CONSTRUCTION NG ANCHOR BUILDING GRABENG POLUSYON SA ONGPIN STREET SA BINONDO
(Paging DENR, Paging Manila Engineering Office)
ISANG building pala ang ginagawa d’yan sa Ongpin St., sa Binondo.
Ang pangalan ng building ay ANCHOR, hi-rise at tila isang condominium.
Heto ngayon ang siste, wala man lang net o ano mang haharang sa mga alikabok at debris na babagsaK mula sa nasabing construction kaya ang napeperhuwisyo ay ‘yung mga nagpupunta sa Binondo lalo na ‘yung mga naninirahan malapit sa nasabing area.
‘E alam n’yo naman po ang ONGPIN St., napakakitid na KALYE n’yan at maraming residensiya sa kahabaan n’yan.
Subukan po ninyong magpunta sa ONGPIN d’yan sa parteng malapit sa kinokonstruksiyon na ANCHOR Building at makikita ninyo ang mga tao sa mga establishment gayon din ‘yung mga dumaraan ‘e naka-respiratory mask.
‘E kasi nga po, nalalanghap nila ang alikabok, semento at buhangin inililipad ng hangin.
Ilang beses na nilang inireklamo sa barangay, sa Manila Engineering Office at sa City Hall pero parang WALA-WALA lang.
Tsk tsk tsk …
Malamang bago matapos ang konstruksiyon n’yan ‘e sandamakmak na ang may respiratory disease d’yan sa Binondo …
Paging Manila Engineering Office! Paging DENR!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com