INIIMBESTIGAHAN pa ng mga awtoridad ang pagkakapaslang sa isang barangay tanod, nang ratratin ng dalawang armadong lalaki sa Quezon City, kamakalawa.
Dinala agad sa punerarya ang bangkay ng biktimang si Agapito Aloro, 48-anyos, ng 92 Saint Paul St., Brgy. Holy Spirit imbes sa ospital o magparesponde sa pulis.
Sa ulat ni PO2 Ric Roldan Pitong ng Quezon City Police District – Cri-minal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), nangyari ang insidente dakong 11:05 ng gabi sa loob ng barangay outpost sa nabanggit na barangay.
Base sa kuwento ng nagngangalang Perry, nasa loob sila ng outpost kasama ang biktima nang dumating ang dalawang suspek at agad pinaputukan sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan at ulo si Aloro.
Matapos barilin ng mga suspek ang biktima, pinalo naman ng baril si Perry sabay sabing “Huwag kang makikialam” bago naglakad papalayo sa lugar ang mga suspek.
(JETHRO SINOCRUZ)