HINDI naman ‘trapo’ (traditional politician) si Pangulong Benigno Aquino III kaya walang epekto sa kanyang pamamahala sa bansa ang pagkawala ng pork barrel.
“Ang marami pong talakayan hinggil diyan ay lumilibot doon sa tema ng patronage politics na sa alam naman natin, ano, bahagi ng kultura ng politika sa ating bansa ay ini-uugnay din doon sa konsepto ng ‘trapo’ o traditional politicians. Marami naman po siguro ang sasang-ayon doon sa proposisyon na sa mula’t sapol ang ating Pangulo naman po ay hindi nakilala bilang isang traditional politician,” sabi ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Herminio Coloma, Jr., hinggil sa epekto sa liderato sa politika ng Pangulo nang ideklara ng Korte Suprema na unconstitutional ang Priority Development Assistance Fund (PDAF).
Giit ni Coloma, ang mga paninindigan sa politika ni Pangulong Aquino ay nakabatay sa mga prinsipyo ng integridad, moralidad, at mahusay na pamamahala o good governance. Dahil dito, tiwala ang Palasyo na makakukuha pa rin ng suporta sa Kongreso ang mga panukalang batas na nais maipasa ni Pangulong Aquino.
(ROSE NOVENARIO)