PAGKATAPOS magsagawa ng humanitarian mission para sa mga biktima ng super typhoon Yolanda sa Visayas, tutuldukan naman ng opisyal ng lalawigang ito ang sinasabing kontrobersyal na romansa ni Filipino music icon Freddie Aguilar sa kanyang 16-anyos fiancé na si Jovie Gatdula Albao sa pamamagitan ng pagpapakasal sa dalawa sa ilalim ng Muslim rites.
Sinabi ni Maguindanao Gov. Esmael “Toto” Mangudadatu sa mga mamamahayag ang plano niyang pagkasal sa dalawa, habang tinatapos ang kanyang pangunguna sa kanilang provincial medical at relief operations sa Tacloban City at kalapit na mga bayan sa Leyte at Samar.
Aniya, pumayag siyang ikasal ang dalawa sa bisa ng Presidential Decree 1083 (Muslim Family Code of the Philippines) makaraang pumayag ang mang-aawit na si Ferdinand Pascua Aguilar sa tunay na buhay, na yakapin ang Islam. Ang wedding ceremony ay kasabay ng gaganapin ngayon (Biyernes) na kanduli (thanksgiving) bilang paggunita sa ika-40 founding annibersary ng Maguindanao.
Ang naunang itinakdang limang araw na pagdiriwang ay sinuspinde ng mga organizer upang unahin ang humanitarian relief mission sa Samar at Leyte sa pangunguna ng gobernador.
Habang kasama ang mga reporter nitong Lunes, tinawagan ni Mangudadatu si Aguilar upang makuha ang pinal na desisyon. Pagkaraan ay sinabi ni Mangudadatu na niyakap na ni Aguilar ang Islam at pakakasalan ang kanyang fiancé sa Muslim rites. Ang groom at ang bride ay magsusuot ng Muslim dresses sa sermonya, aniya pa.
Hayagang inamin ni Aguilar nitong nakaraang buwan ang romansa nila ng 16-anyos na si Albao, na nagdulot ng iba’t ibang reaksyon mula sa publiko, gayon din sa female personalities na tumutol bunsod ng malaking agwat ng edad ng magkasintahan.
Sa ilalim ng civil code ng bansa, ang indibidwal na mas mababa sa 18-anyos ang edad ay hindi maaaring ikasal. Gayonman, sa Islamic Shariah Law, ang kwalipikasyon para sa pagpapakasal ay inihuhudyat ng unang araw ng regla ng babae katulad ng pagpapakasal ni Prophet Mohammad kay Aisha, na noon ay 16-anyos pa lamang.
Ani Mangudadatu, kaibigan niya si Aguilar noon pang 2011, idiniing matagal nang inihayag ng mang-aawit ang pagnanais na yakapin ang Islam bago pa man makilala si Albao.
“It will be his accountability to God,” nang itanong ng mga mamamahayag kung ano ang mangyayari sakaling ninais lamang ni Aguilar na maging Muslim para sa sarili niyang interes.
(HNT)