TINANGGAP ng Palasyo ang paghingi ng paumanhin ni Tacloban City Mayor Alfred Romualdez kay Pangulong Benigno Aquino III bago bumalik sa Maynila ang Punong Ehekutibo kamakalawa mula sa dalawang araw na inspeksiyon sa relief operations sa Leyte at Samar.
“Maganda iyong nangyari. Magandang development and we certainly welcome what developments transpired between the meeting—between the President and Mayor Alfred Romualdez,” ayon kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda.
Nabatid na tatlong beses nagpulong sina Pangulong Aquino, Romualdez at Interior Secretary Mar Roxas hinggil sa kalamidad.
Matatandaang nagsisihan sina Pangulong Aquino at Romualdez kung sino ang nagpabaya kaya naging malawak ang pinsala sa Tacloban ni Yolanda at nagbanta pa ang Punong Ehekutibo na ipasisiyasat ang pagkukulang ng lokal na pamahalaan sa paghahanda kaugnay sa pagtama ng bagyo noong nakalipas na linggo.
(ROSE NOVENARIO)