GAMITIN na lang ang 10% pondo ng Sangguniang Kabataan (SK) sa pagpapagawa ng mga paaralang elementarya at high school.
Ito ang iminungkahi ni Cong. Gavini Pancho ng 2nd District ng Bulacan para mapakinabangan ang nasabing porsyento ng pondo ng barangay bagamat wala nang miyembro ng SK sa Sangguniang Barangay.
Ayon sa panukalang batas (House Bill 3001), maaaring gamitin ang pondo ng SK sa rehabilitasyon at pagpapaganda ng mga gusaling paaralan at pambili ng karagdagang libro at iba pang kagamitang pampaaralan.
Pagkatapos kumonsulta sa lokal na School Board at opisyales ng paaralan, maaari nang gumawa ng kakailanganing ‘rules and regulations’ ang Sangguniang Barangay para masusing maipatupad ang paglalaanan ng proyekto.
Sa kasalukuyan, ginagamit na lang kung saan-saan ang 10% pondo ng SK.
(FRANCO DEOCARIS)