LUMAGPAS na sa 4,000-mark ang bilang ng mga namatay sa pananalasa ng super typhoon Yolanda.
Sa latest death toll ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), naitala na sa 4,011 ang kompirmadong patay habang nasa 18,557 ang nasugatan.
Patuloy ang ginagawang paghananap sa natitirang 1,602 na missing. (HNT)
APARTMENT-TYPE BURIAL SA YOLANDA VICTIMS
IKINOKONSIDERA ng National Bureau of Investigation (NBI) ang apartment-type burial para sa hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan at hindi pa naki-claim na mga bangkay sa Tacloban, Leyte, makaraan ang pananalasa ng super bagyong Yolanda.
Ayon sa NBI’s disaster identification team, ang bawat apartment-type grave ay maaaring lagyan ng hanggang 12 bangkay.
Halos 700 bangkay ang hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan sa Tacoban City, kabilang sa mga lugar na labis na napinsala sa nasabing bagyo.
Identification sa typhoon victims mamadaliin
MAGTATAYO ng mga temporary mortuary sites ang mga tauhan ng International Police Organization (Interpol) para paglagakan ng mga bangkay ng mga biktima ng bagyong Yolanda.
Ayon kay Interpol Director of Operational Support Michael O’Connell, ang nasabing pasilidad ay mayroong refrigerated containers at mobile forensic laboratories na gagamitin sa pagtukoy sa pagkakakilanlan ng naagnas nang katawan ng mga biktima.
“What is also important is the swift and accurate identification of the thousands of victims, which is where international support and coordination is essential and where INTERPOL can unite the global community in these efforts,” ani O’Connell sa kalatas.
Nasa bansa ngayon ang DNA specialists ng ahensiya para tumulong sa ginagawang trabaho ng National Bureau of Investigation sa nagpapatuloy na victim identification efforts. (BETH JULIAN)