INIHAYAG ng Department of Foreign Affairs (DFA) kahapon na dalawang Filipina ang kabilang sa mga sugatan kasunod ng suicide bombings sa labas ng Iranian embassy sa Beirut, Lebanon.
Hindi inihayag ng DFA ang pagkakakilanlan ng mga biktima ngunit sinabing sila ay domestic helpers na nagtatrabaho sa mga residente malapit sa embahada.
Isa sa mga biktima ay dumanas ng sugat sa leeg at mukha habang ang isa pa ay bahagyang pinsala lamang.
Ayon sa ulat, inako ng Sunni jihadists na may kaugnayan sa Al Qaeda, ang responsibilidad sa suicide blast na ikinamatay ng mahigit 20 katao.
Nagbabala rin ang Abdullah Azzam Brigades ng marami pang mga pag-atake maliban na lamang kung ititigil ng Lebanese-based, Iranian-backed Shiite militia, Hezbollah ang pagpapadala ng mga mandirigma bilang suporta sa Syrian government forces. (JAJA GARCIA)