KALAT ngayon sa internet na sinabihan ni DILG Sec. Mar Roxas si Tacloban City Mayor Alfred Romualdez na gumawa ng sulat, address kay P-Noy, sabihing magre-resign na sa pagka-alkalde dahil hindi na niya magampanan ang kanyang tungkulin bilang mayor ng lungsod.
Hindi natin alam kung totoo nga ito. Dahil wala tayong kontak kay Mayor Romualdez at kay Sec. Roxas.
Sabi pa, ipinatawag daw ni Sec. Roxas ang city council ng Tacloban para gumawa ng resolusyon na mag-aalis kay Mayor -Romualdez. Pero isang konsehal lang daw ang dumating.
Matatandaan na sinabi ni Sec. Roxas sa media na bagama’t biktima rin ng kalamidad si Mayor Romualdez ay may trabaho pa rin siyang dapat gampanan sa kanyang constituents. Korek!
Lumabas din sa mga ulat na sinisisi ni P-Noy si Mayor -Romualdez dahil hindi naghanda sa pagdating ng superbag-yong Yolanda noong Nobyembre 8 (Biyernes) gayong paulit-ulit na nagbigay ng babala ang pamahalaan sa mga lalawigang daraanan ng napakalakas na bagyong may dalang 315kph.
Ang Tacloban City ang grabeng nasalanta at nagkaroon ng maraming casualties. Halos 95% ng kabahayan dito lalo ang coastal areas ang mistulang dinaanan ng pison, totally wasak!
Day 1-2 pagkatapos ng bagyo, ang mga mamamayan ng Tacloban ay hindi alam ang gagawin, walang makain, walang mainom at wala pang tulong o relief goods na dumarating mula sa national government. Si Mayor Romualdez ay hindi raw mahagilap at walang ginawang aksyon. Marahil dahil biktima rin siya ng kalamidad at hindi rin alam ang gagawin.
Sabi ng mga residente na nakapanayam ng mga mamamahayag, wala silang nakuhang tulong mula sa kanilang alkalde. Ang tinutulungan lang daw nito ngayon ay ang kanyang mga kamag-anakan.
Unang nakatikim daw sila ng relief goods mula sa mga Kano na mabilis na nagpadala ng tulong.
Sa tono ng pananalita ng typhoon survivors sa Tacloban City, tila wala na silang amor sa Romualdez. Nilisan na nga nila ang lungsod. Nag-migrate na sa ibang bayan.
Si Mayor Romualdez ngayon ay ‘kapitan na walang barko.’ Kaya okey lang siguro na tanggapin niya ang hamon ni Sec. Roxas na mag-resign na lang kesa araw-araw niyang maririnig ang paninisi ng kanyang mamamayan at ni P-Noy.
Sa tantiya ko, bibilang ng taon bago maitayo ang progresibong lungsod ng Tacloban. Tulungan at ipagdasal natin sila. Amen!
Mayor Erap grabe
na ang kotongan
sa Divisoria-Recto vendors
– Sir Joey, isa po akong vendor dito sa Divisoria-Recto. Grabe na po talaga ang kotongan dito sa kahabaan ng Divisoria-Recto hanggang Abad Santos. Halos wala na kaming kinikita. Lahat napunta nalang sa tarya. Pakitulungan mo naman kami, Sir Joey, na maiparating kay Mayor Erap ang aming karaingan. Magpa-Pasko pa naman… Sana ay masulusyunan na ang problema namin dito para may sapat na maiuwi naman kami sa aming pamilya. Kawawa naman kaming maliliit na vendors, ang maliit na kinikita napupunta lang sa kotong. Huwag nyo po isulat ang numero ko. – Divisoria-Recto vendor
Totoo ito. Ginagawang gatasan ng mga taga-Manila City Hall – mula sa tanggapan ng DPS, Hawkers, MTPB, Konsehales, police detachment, police stations, headquarters – ang vendors hindi lang sa Divisoria kundi sa buong Maynila! Ganyan kalupit ngayon! Kaya naman ipinaaalala ng mga mahihirap na vendors kay Mayor Erap ang pramis niya noong kampanya na “Tatanggalin ko ang kotong cops. Ang mahihirap ay tinutulungan at hindi pinahihirapan!” Letse!
Foodshop-Retiro ganapan
ng pot session (Quezon City)
– Report ko lang po ang ginagawang pot session ng droga (shabu) dito sa Foodshop-Retiro sa Quezon City. Malaya po sila sa kanilang ginagawa lalo na ang guwardyang kalbo, dun ginagawa ang pot session sa baraks. Huwag nyo lang po ilabas ang numero ko. Totoo po ito. – Concerned worker
Solvent boys
nagkalat sa Blumentrit
(nasa ‘gate of heaven’ nga sila)
– Gusto ko lang po iparating ang aking hinaing sa mga namumuno ngayon ng Maynila. Sabi po kasi nila lilinisin nila ang Maynila, magiging ‘gate of heaven’ na raw. Natutuwa naman ako at nakikita ko na lagi silang nanghuhuli ng mga tricycle dito sa Blumentrit. Kaya lang nakakadismaya rin po dahil nagagawa nilang manghuli ng tricycle pero yung solvent boys/girls dito na hayagang mangholdap, mang-snatch at mandukot hindi po nila hinuhuli. Mga solvent boys sa riles at mga natutulog sa island sa ilalim ng LRT-Blumentrit, andami nila, mapababae at lalaki pag mga bangag na kahit matatanda pinapatulan nila makakuha ng pera. Nambabato at nananakit na sila kaya dapat na silang mawala pero pinababayaaan lang sila kahit ng barangay dito. Sana po bigyan nyo rin ng aksyon, hindi yung puro tricycle lang ang hinuhuli nyo na ang tanging kasalanan lang e nakikipagsapalaran sa bawal na pila para lang kumita ng pera. Pero yung mga pakalat-kalat na solvent boys/girls pinababayaan nyo! Bakit? kasi dahil mas kumikita kayo sa tricycle? Kung gusto nyo linisin ang Maynila, umpisahan nyo sa talagang nagpapasakit ng ulo nyo na nagiging dahilan ng krimen. Sana mabigyan nyo ito ng aksyon pati na ng barangay na nakakasakop dito sa riles, kasi mga yan ang nakakasira sa magandang pangalang iniingitan nyo – 09474697…
Paging Manila-DSW Chief Honey Lacuna, trabaho n’yo ito … Aksyon!
REAKSYON at REKLAMO… Sumulat sa POLICE Files!: JGV Publishing House, Inc., Leyland Bldg., Delgado St., cor 20th St., Port Area Manila Phil. Telefax 521-7015
Cell: 0919-3297810 / E-mail add: [email protected]
Joey Venancio