Sunday , December 22 2024

May “tiktik” si Erap sa Supreme Court?

ISANG dating human rights lawyer sa Free Legal Assistance Group (FLAG) ang noon ay hinangaan ng marami bilang abogado ng mga testigo sa Kuratong Baleleng gang rubout case.

Ito ‘yung panahon na nasangkot si ousted president at convicted plunderer Joseph ‘Erap’ Estrada sa nabanggit na kaso bilang bise-presidente at chairman ng Presidential Anti-Crime Commission (PACC), kasama ang mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) sa pangunguna ni noo’y Chief Supt. Panfilo Lacson.

Kasama rin ang dating hinahangaang abogado sa mga nagsilbi bilang private prosecutor sa kasong plunder o pandarambong laban kay Erap, na nahatulan at napatawan ng parusang habambuhay na pagkabilanggo pero nakalaya rin agad sa bisa ng conditional pardon na iginawad ni dating Pang. Gloria Macapagal Arroyo.

Ang tinutukoy natin ay walang iba kundi si Atty. Theodore ‘Teddy’ Te, ang kasalukuyang spokesman ng Korte Suprema ng Republika ng Pilipinas.

Sadyang mabilis ang paglipas ng panahon, hindi natin akalain na si Te ay mayroon na rin palang anak na sumunod sa kanyang mga yapak bilang abogado.

At ang ikinagulat natin ay ang balitang si Wryan Martin Te ay empleyado na raw ngayon ni Erap sa Legal Office ng Manila City Hall.

Ayon sa balita, ang nakababatang Te ay pumapasok sa tanggapan ng Manila City Administrator ni Erap na si Atty. Simeon Garcia, ang matagal na nagsilbing chief of staff ni Sen. Jinggoy Estrada sa Senado.

Biglang pumakla ang ating panlasa, lalo nang maalaala natin na may nakatenggang disqualification case si Erap sa Supreme Court.

Paano natin maiaalis na pagdudahang siya ang ‘source’ na nagpapakalat ng mga mali, adelantado at koryenteng impormasyon hinggil sa umano’y may pasya na ang Kataas-taasang Hukuman sa disqualification case laban kay Erap dahil nga spokesman o tagapagsalita ng Supreme Court ang kanyang ama?

Sana naman, kung gaano kasigasig ang pag-iimbestiga ng Korte Suprema kay influence peddler at court fixer na si Arlene Angeles (aka “Ma’am Arlene”), sana naman ay magkaroon kahit katiting na delicadeza si Teddy Te na dumistansiya sa isyu ng disqualification case ni Erap dahil nasa bakuran ng sentensiyadong mandarambong ang kanyang anak.

Sana rin ay hindi ito ang dahilan upang magtagal nang wala namang rason ang disqualification case laban kay Erap sa Korte Suprema.

Marahil, may mabigat pang kadahilanan si Atty. Te para ang dating paniniwala at paninindigan ng isang nilalang na tulad niya ay baguhin ng panahon.

Sabi nga, wala raw tutang naulol!

PINSALA NG KALAMIDAD

DULOT NG CORRUPTION

MAY merito o dahilan ang mga inihaing kasong plunder ng National Bureau of Investigation (NBI) laban sa mga sangkot sa P10-B pork barrel scam kaya hiniling ng Ombudsman sa kanila na magsumite ng sagot o counter-affidavit.

Ibig sabihin, bukod sa ‘pork barrel’ ay kakosa rin nina Sens. Juan Ponce-Enrile, Jinggoy Estrada at Bong Revilla si Janet Lim-Napoles maging sa kulungan kapag isinampa na sa Sandiganbayan ang kasong pandarambong laban sa kanila na walang piyansa para pansamantalang makalaya.

Kung ang P10-B na Priority Development Assistance Fund (PDAF) na kinangkong ni Napoles at ng mga mambabatas ay ginugol sa pagpapatayo ng matitibay na evacuation center sa matataas na lugar sa Eastern Visayas, hindi sana libo-libo ang nasawing kababayan natin.

2 EVACUATION CENTERS

NI MAYOR ALFREDO LIM

HINDI sana pakalat-kalat sa lansangan na walang masilungan ang mga kababayan nating biktima ng super bagyong si ‘Yolanda’ kung tinularan lang si Mayor Alfredo Lim na nakapagpatayo ng dalawang evacuation centers sa Maynila kahit wala naman siyang pork barrel.

Ang dalawang evacuation centers na ipinatayo ni Mayor Lim – isa sa Baseco at isa sa Del Pan – ay kauna-unahan sa Pilipinas na pinakikinabangan ngayon ng mga taga-Maynila tuwing may banta ng matinding kalamidad.

Kompleto ang dalawang naturang centers – tulad ng kitchen, blankets at banig – na pansamantalang matutulugan at mga importanteng pangangailangan para sa evacuees.

Para sa reklamo, suhestiyon at  komentaryo tumawag o mag text  sa 09158227400 / Email: [email protected]

Percy Lapid

About hataw tabloid

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Sa Payatas, QC
P.7-M SHABU NASABAT ‘LADY PUSHER’ TIMBOG

ARESTADO ang 19-anyos babae sa isinagawang buybust operation ng mga awtoridad sa Brgy. Payatas A, …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *