MAKARAAN ang isang linggo, ikinokonsidera ng Malacañang ang pagdedeklara ng national day of mourning para sa mga namatay sa pananalasa ng super typhoon Yolanda sa Visayas.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, pinag-uusapan na sa gabinete at mayroon lamang hinihintay pang ibang detalye para rito.
Ayon kay Valte, marami silang natatanggap na mungkahi na ideklara ang national day of mourning at naiparating na rin aniya kay Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.
Ang national day of mourning ay karaniwang idinedeklara ng pamahalaan bilang pakikiramay at pagdadalamhati ng buong bansa sa pagkamatay ng maraming tao dahil sa trahedya o kalamidad.
Naglalayon din ito na makapaglaan ng isang buong araw ang publiko sa pag-alaala sa kanilang namayapang mga mahal sa buhay.
(ROSE NOVENARIO)