BUTUAN CITY – Matagumpay na nahuli ng pinagsanib na pwersa ng National Bureau of Investigation Central Office at Caraga Region kahapon ng madaling araw ang isa sa pinakaaktibong miyembro ng hacking collective group na Anonymous Philippines, sa search operation sa mismong pinagtatrabahuhan ng suspek sa Butuan City.
Kinilala ang suspek na si Rodel Plasabas, 24, walang asawa, at residente ng Brgy. Ambago nitong lungsod, at isa sa mga nag-o-operate ng kanilang grupo sa Butuan, ang Anonymous Butuan.
Ayon kay NBI-Central Office Team Leader Victor Lorenzo, may challenges silang nasalubong bago ang operasyon dahil sa cyber world, ang anonymity aniya ay armas ng mga miyembro upang maitago ang kanilang identification kaya’t tumagal ang kanilang imbestigasyon.
Ngunit nang ma-track ang suspek sa pamama-gitan ng kanyang partisipasyon sa website hacking o kaya’y defacement lalo na sa 38 government websites nitong Nobyembre 4 lang, dito na sila nag-apply ng search warrant na nagresulta agad sa pagkahuli sa suspek sa Burgos St., Butuan City.
Kasong paglabag sa E-Commerce Act sa ilalim ng Republic Act 8792 lalo na sa Section 33 ang kanilang isasampang kaso laban sa suspek sa pamamagitan ng inquest proceedings at sakaling mapatunayang guilty ay maaaring mabilanggo ng tatlo hanggang anim na taon.
(LEONARD BASILIO)