KUNG kahandaan lang din naman ng pamahalaan ang pag-uusapan tungkol sa pananalasa ng Bagyong Yolanda, walang argumento sa katotohanang wala!
Ilang araw bago mag-landfall ang lintek, buong mundo na ang nagsasabing napakalakas nito at sinumang madaanan at anumang masagupa ay tiyak bubuwal. Ayokong manisi pero ano nga ba ang naging kahandaan ng gobyernong Aquino rito? Nganga! Again!
Kahapon, tila inamin ni Secretary Almendras na wala talagang ginawang preparasyon sa pagdating ng Bagyo kundi noong isang gabi lamang nabuo ang plano.
Malinaw pa sa tuktok ng malignong kalbo, WALANG CONTINGENCY PLAN!
Iniasa at isinisi sa mga local na pamahalaan ang paglilikas sa mga tao. Aba! Mr. President, hindi naman siguro gano’n lang. Bilang pinakamataas na opisyal ng bansa siguro naman kayang-kaya ninyong utusan ang puwersahang paglikas ng mga tao. Ano ang ginagawa ng mga pulis at sundalo natin doon?
Kumbaga sa mga napapanood natin sa mga foreign films, kapag may national emergency gaya n’yan, talaga naman aligagang-aligaga na ang mga awtoridad sa kaiisip ng paraan kung paano mai-lilikas ang mga tatamaan ng kalamidad.
Hindi ‘yung pagkatapos malunod at mamatay ng mga tao saka lamang tayo magdedeklara ng NATIONAL CALAMITY. Ang kalamidad na si Yolanda ay nagpaikot-ikot muna sa karagatan bago dumapo sa atin. Ibig sabihin ang kalamidad ay naroon na at hinintay na lamang nating dumaan. Tsk. Tsk.
Delayed reaction talaga. Mainam pang huwag nang magsalita ang Pa-ngulo sa mga isyung lumagpas sa kamay niya. SIR, NAGMUMUKHA LANG TA-YONG TANGA!
Ngayon, hinahanap ko ang mga eroplano, helicopter, mga barko na dapat ay naglipana na sa mga apektadong lugar para magdala ng pagkain sa mga nagugutom. Nasaan? Wala! Naroon sina Mar Roxas, Voltaire Gazmin at Dinky Soliman nag-iikot PARA QUE? Para umepal? Bakit magkakasama kayo? Bakit hindi kayo maghiwa-hiwalay at ipagamit sa delivery ng food packs ang mga helicopter ninyo? Namputakte oo!
Sa ganitong uri ng kalamidad, mga kanayon, huwag na tayong umasa pa sa gobyerno. Tayo-tayo na mismo ang magtulungan at gumawa ng paraan para makaiwas sa delubyo. Alam ko sinuman sa atin ay magdadalawang isip na lisanin ang ating mga tahanan sa pangambang baka mawala ang ating mga pag-aari at kagamitan. Kung mayroon lamang POLITICAL WILL ang gobyerno na piliting lumikas ang mga tao, siguro ang mga nalunod at namatay ay yaon lamang may mga masamang intensiyon.
Tandaan po ninyo, iisa lang ang ating TUNAY na pag-aari at ‘yan ay ang ating BUHAY. Iisa lang ‘yan. At gaya ng anumang pag-aari sa lupa, hindi ba’t hindi rin naman natin madadala sa hukay ang ating buhay? Kaya nga patay e. Samakatuwid po, tayo ay mauuwi sa kawalan dahil ang kawalan natin ay ang LAHAT. At ang lahat para sa atin ay BALEWALA!
Joel M. Sy Egco