Monday , December 23 2024

Kamalig ng NFA nilusob ng survivors ( 8 patay sa stampede )

111413_FRONT

WALO ang patay makaraang gumuho ang kamalig ng National Food Authority (NFA) sa lalawigan ng Leyte na matinding sinalanta ng super typhoon Yolanda.

Ayon kay NFA administrator Orlan Calayag, nangyari ang insidente nitong Lunes nang lusubin ng mga survivor ng bagyo ang NFA warehouse sa bayan ng Alang-Alang, 15 hanggang 20 kilometro ang layo mula sa Tacloban City.

“Ito po ay isa sa pinakamalaking warehouse natin. Noong naganap ang pagbagyo, agad tayong nakiusap sa PNP (Philippine National Police) para ito ay mabantayan kasi ang ganitong pangyayari ay nangyari na rin po sa ibang bahagi ng bansa noong ibang mga kalamidad,” pahayag ni Calayag.

“Napasok at nakuha ang karamihan sa inventory although hindi naman lahat. Ang malungkot dito, dahil po hindi na napigilan ang mga tao, nag-collapse ang warehouse, 8 ang namatay,” aniya.

Sinabi ni Calayag na 33,000 kaban ng NFA rice ang tinangay ng mga survivor. Aniya, walang napaulat na namatay na NFA employee ngunit marami ang nasugatan sa insidente.

Humingi na aniya siya ng tulong sa pulisya at militar para sa siguridad ng mga warehouse at personnel na nagde-deliver ng karagdagang rice supply sa apektadong mga lalawigan.

“Patuloy natin binabantayan, kasi diretso ang augmentation ng mga supply, diretso ang pagdating ng supply mula sa iba’t ibang area. Ang sinisigurado natin ngayon, kahit ang pagsalubong sa barko hanggang sa transfer ng bigas by land, kami ay humihingi ng military escort,” dagdag ni Calayag.

HATAW News Team

LOOTING SA TACLOBAN NAUNAWAAN NI PNOY

NAUUNAWAAN ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ang mga nangyayaring nakawan o looting sa Tacloban City matapos ang pananalasa ng bagyong Yolanda.

Sinabi ni Pangulong Aquino na naging desperado na ang mga mamamayan habang hindi pa dumarating ang relief goods.

Ayon kay Pangulong Aquino, nahihirapan din ang local authorities na makaresponde dahil ‘out numbered’ kaya nagpapadala sila ng mga karagdagang personnel mula sa ibang rehiyon.

Ito raw ang dahilan kaya minamadali nila ang pagsasagawa ng relief operations at nag-take-over na ang national government para maibalik ang kaayusan sa lugar.

“People were — became — desperate, and that’s why we are trying to fast-track the situation where national government takes over these local government functions so that order is restored,” ani Pangulong Aquino.

DEATH TOLL: 2,275 NA MISSING: 10,000 KATAO

PUMALO na sa 2,275 ang naitalang namatay sa paghagupit ni Bagyong Yolanda sa Eastern Visayas.

Ayon kay NDRRMC Executive Director Eduardo del Rosario, ang nasabing casualty figures ay batay sa nakukuha nilang reports mula sa mga local PDRRMC.

Sinabi ni Del Rosario, nasa 3,665 naman ang sugatan habang 80 ang nawawala.

Sa kabilang dako, nagpapatuloy pa rin ang humanitarian and disaster operation ng militar at pulisya sa mga lugar na sinalanta ni Yolanda.

Sa kabilang dako, tinatayang nasa mahigit 10,000 ang bilang ng mga biktima ng super typhoon Yolanda na hindi pa natatagpuan.

Ito’y dahil marami pang nagkalat na mga bangkay sa gilid ng daan, mga bahay na hindi pa mapasok ng search and rescue team at maging ang mga bangkay na nasa dalampasigan at nasa gitna ng karagatan na nagpapalutang-lutang lamang.

Inihalintulad ni Rondon Ricafort ng Team Albay Humanitarian Mission, sa isang basurahan ang kasalukuyang sitwasyon ng Tacloban City.

Aniya, mula sa isa sa pinakamagandang lungsod sa Visayas, maikokompara na sa isang malaking dumpsite na nag-kalat ang mga patay, wasak ang mga bahay at mga gusali habang marami ang nagkalat na mga ari-arian.

Bukod pa rito ang mga pakalat-kalat na mga residente sa mga daan na halos maghabulan at hindi mapakali tuwing nakakikita ng mga sasakyang may dalang relief goods.

ABAYA GURU NG RELIEF GOODS TRANSPORTATION

ITINALAGA ni Pangulong Benigno Aquino III si Department of Transportation and Communications (DOTC) Secretary Joseph Emilio Abaya bilang transport guru na mangangasiwa sa mabilis na paghahatid ng relief goods sa mga lugar na sinalanta ni super typhoon ‘Yolanda.”

“The President appointed Secretary Jun Abaya as the czar on how to move things. He’s the transport guru now. So air, land, and sea (are) at his disposal to make sure we move the goods just as fast as we can pack them po,” pahayag kahapon ni Secretary to the Cabinet Jose Rene Almendras.

(ROSE NOVENARIO)

4 CEBU-TACLOBAN FLIGHTS MAGPAPATULOY — CEB

IPAGPAPATULOY ng Cebu Pacific ang operasyon ng apat na flights mula Cebu at Tacloban mula Nobyembre 13 hanggang 25, 2013.

Ang unang Cebu-Tacloban-Cebu flight ay nakareserba sa mga pasaherong apektado ng flight cancellations dulot ng bagyong Yolanda (Haiyan), at para sa humanitarian purposes. Dahil walang koryente at bagsak ang komunikasyon sa Tacloban, nagsusumikap ang CEB’s Tacloban team na maserbisyohan nang maayos ang mga pasahero.

Ang available seats sa nalalabing tatlong Cebu-Tacloban-Cebu flights ay mababatid sa website www.cebupacificair.com, reservation hotlines (02)7020-888 o (032)230-8888 o sa nearest travel agents.

Ang Tacloban Airport ay kasalukuyang limitado sa turbo-prop aircraft flights. Ang airline ay nakikipagkoordinasyon sa pamahalaan para sa pagpapatuloy ng normal na operasyon sa Tacloban sa lalong madaling panahon.

Bilang paalala, ang mga pasahero ng CEB sa domestic at international flights mula Nobyembre 7 hanggang 15, 2013 patungo o mula sa Visayas region, Bicol region, Palawan, Mindoro at iba pang piling Mindanao destinatons ay may opsyon na i-rebook o i-reroute ang kanilang flights nang walang multa, o kumuha ng full refund o travel fund.

Maaaring tumawag ang mga pasahero sa (02)7020-888 o (032)230-8888 para sa kanilang napiling opsyon, ano mang oras maging pagkaraan ng kanilang flights. Ang mga nais na i-tsek ang status ng kanilang flights ay maaaring magtungo sa https://www.cebupacificair.com/Pages/check-flight-status.aspx

Sisikapin ng Cebu Pacific na maglaan ng updates sa lalong madaling panahon. I-follow ang @CebuPacificAir sa Twitter o Cebu Pacific Air’s official Facebook page.

INT’L MEDICAL EXPERTS HUMUGOS NA RIN

BUKOD sa cash assistance at in-kind donations, bumuhos na rin ang international support para sa rescue at trauma management sa mga sinalanta ng bagyong Yolanda.

Sa ngayon, nagpadala na ang World Health Organization (WHO) ng mga eksperto at medical teams partikular sa Tacloban.

Sinabi ni WHO Representative to the Philippines Dr. Julie Hall, kabilang dito ang grupo mula sa Australia, Belgium, Germany, Hungary, Israel, Japan, Norway, Russia at Spain at nakikipag-ugnayan na sa DoH para sa logistical arrangements.

Relief ops truck sumabit sa poste, 4 sundalo sugatan

ROXAS CITY – Sugatan ang apat na mga sundalo nang sumabit ang sinasakyang truck sa nakahilig na poste sa Ondoy, Ivisan, Capiz.

Kinompirma ni Lt. Col. Christopher Sabit ng 3rd Infantry Division ng Philippine Army, kabilang sa mga sugatan sina Cpl. Jessie Alegria, S/Sgt. Edwin Juaneza, S/Sgt. Sammy Lapidez at Sgt. Bernadro Vijar.

Sinabi ni Sabit na pare-parehong nagkaroon ng mga sugat sa ulo ang mga sundalo matapos tamaan ng support bars ng sinasakyang long-bed truck na nahagip ng poste.

Napag-alaman mula sa ba-yan ng Cuartero, Capiz ang grupo na namahagi ng relief goods.

Nasa maayos nang kondis-yon ang mga biktima na agad nilapatan ng lunas sa isang pribadong ospital sa lungsod.

(BETH JULIAN)

Moratorium sa GSIS loans ng Yolanda victims

MAGKAKALOOB ng moratorium ang Government Service Insurance System (GSIS) sa mga miyembro at pensioners na nabiktima ng hagupit ng bagyong Yolanda.

Sakop ng loans na nasa ilalim ng moratorium, ang consolidated loans, housing loans, policy loans, at eCash Advances.

Ang mga miyembro ng GSIS na nakatira o nagtratrabaho sa mga lugar na nasa state of calamity ay pwedeng mag-apply ng P20,000 emergency loans gayundin ang old-age pensioners na pagkakalooban ng new pension emergency loan.

Magbibigay rin ang GSIS ng emergency loan sa kanilang mga miyembro.

Ayon sa GSIS, naglabas sila ng P4.5 bilyong pondo para sa emergency loan packages para makatulong sa kanilang mga miyembro.

Maging ang Social Security System (SSS) at Pag-IBIG ay magbibigay ng assistance sa kanilang mga miyembro na biktima ng bagyong Yolanda.

(JAJA GARCIA/BETH JULIAN)

Queen Elizabeth II nakiramay sa Yolanda victims

LONDON – Nagpahatid si Queen Elizabeth II ng Bri-tain ng kanyang “heartfelt condolences” sa mga biktima ng bagyong Yolanda na nanalasa sa Visayas.

“I was deeply saddened to hear of the loss of life and devastation caused by the typhoon that hit the Philippines at the weekend,” padalang mensahe ni Queen Elizabeth kay Pangulong Be-nigno Aquino III.

“Prince Philip joins me in offering our heartfelt condolences to the victims and their families at this difficult time.

“Our deepest sympathies go out to all those whose lives have been affected.”

Sinabi ng Buckingham Palace spokesman, ang monarkiya ay magbibigay ng kontribusyon sa Bri-tain’s rescue appeal, na nakaipon na ng £1.5 mil-yon ($2.4 milyon, 1.77 milyon euros) makaraan ang 15 oras matapos ilun-sad nitong Martes.

Ang television appeal ay itinakda ng Disasters Emergency Committee (DEC), grupo ng 14 UK aid organizations na kinabi-bilangan ng Action Aid, British Red Cross, Christian Aid, Islamic Relief, Oxfam at Save the Children.Tatapatan naman ng gobyerno ang lahat ng donasyon ng hanggang £5 milyon, at nitong Lunes ay inianunsyo ang pagpapa-dala ng warship at transporter plane para makatulong sa relief operations.

Tulong tiniyak ni Obama
(Tumawag kay PNoy)

TINAWAGAN ni US President Barack Obama si Pangulong Benigno Aquino III nitong Martes upang alamin ang iba pang paraan upang makatulong sa mga nasalanta ng Bagyong Yolanda (Haiyan).

Habang sila ay magkausap sa telepono, nagpahatid si Obama ng kanyang pakikiramay para sa Filipinas, ayon sa White House.

“Today President Obama spoke with President Aquino of the Philippines to express deep condolences on behalf of the American people for the lives lost and damage caused by Super Typhoon Haiyan/Yolanda, one of the strongest storms to ever hit land,” ayon sa pahayag ng White House.

Sinabi rin ng White House na nais ni Obama na agad malaman ang assessment sa sitwasyon upang maisaayos kung paano pa magagamit ang resources ng Amerika sa rescue at recovery efforts.

“In the days ahead, the Uni-ted States will continue to work with the Philippines to deliver whatever help we can, as quickly as possible,” sabi ng White House.

Idinagdag ni Obama na “the thoughts and prayers of the American people go out to the millions of people in the Philippines affected by this devasta-ting storm.”

P20-B rehab fund ilalaan sa 2014 budget

BUBUO ng P10-P20 billion rehabilitation fund ang Kongreso sa ilalim ng 2014 national budget.

Isa ito sa mga hakbang na napagkasunduan sa pakikipagpulong ni House Speaker Feliciano Belmonte sa Congress leaders.

Ayon kay Belmonte, kaya pang ihabol ito dahil nasa Senado pa ang 2014 budget.

Pagdating sa bicameral conference committee ay isusulong nila ang realignments ng mga pondo para mabuo ang rehab fund para matulungan ang mga lugar na pawang nabiktima ng kalamidad at trahedya.

Ayon kay Belmonte, hindi sila papayag na lalagpas sa Kongreso ang 2014 budget na wala ang rehabilitation fund na ito.

Aminado ang House leaders na may kapangyarihan si Pangulong Benigno Aquino III na mag-realign ng pondo ngunit mas gusto aniya ng Congress leaders na gawin na ang inisyatibo habang nasa kanila pang kamay ang 2014 budget.

One-stop-shop sa relief goods itatayo ng BoC

MAGTATAYO ang Bureau of Customs (BoC) ng one-stop-shop ng relief goods sa ilang panguna-hing pantalan at paliparan sa bansa.

Ito ay para pangu-nahan at pabilisin ang proseso ng pagpapalabas ng relief goods mula sa ibang bansa.

Ayon kay Customs Commissioner Ruffy Biazon, matatagpuan ang mga one stop shop sa pantalan ng Tacloban City at Cebu City gayondin sa Ninoy Aquino International Airport.

Aniya, bukas ang nasabing one-stop-shop sa loob ng 24 oras sa buong linggo para iproseso at makipag-ugnayan sa iba pang government agencies para maipalabas ang donated items sa loob ng 24-oras simula nang maghain ng import entry papers.

(LEONARD BASILIO)

About hataw tabloid

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Dead body, feet

Umakyat para magkabit ng ‘jumper’
LALAKI NAHULOG MULA SA POSTE NG KORYENTE, NANGISAY, PATAY

PATAY na bumagsak ang isang lalaking pinaniniwalaang umakyat sa poste ng koryente upang ilegal na …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *