HANGGANG ngayon marami tayong natatanggap na komento hinggil sa iba’t ibang paraan ng pagtulong ng mga kababayan natin para sa mga biktima ng bagyong Yolanda.
Karamihan sa negatibong komento ay ang makupad daw na pagkilos ng gobyernong Aquino.
Marami naman ang pumuna sa paraan ng ilang artista sa pagtulong – ang pagbebenta daw ng kanilang mga pinaglumaang magagarang damit at iba pa. Ba’t hindi pa raw idineretsong ibinigay ang mga damit.
Marami pa ang kung ano-anong masasakit na komento – tirada laban sa gobyerno maging sa mga mambabatas at ilang lider ng bansa – lokal at nasyonal.
Nandyan pa ‘yung – mabuti pa raw ang foreign countries na umaksyon na at nagpadala na ng mga tulong at may mga inaasahan pang pled-ges.
Tanging masasabi ko sa mga komento ay iginagalang ko ang mga ito – opinyon n’yo iyan e. Pero, mga kababayan hindi po ito ang kailangan ng bansa ngayon kundi IKAW.
Ang tulong mo ang higit na kailangan ng mga biktima ni Yolanda. Hindi ang PUNA mo.
Oo. IKAW na magaling pumuna – tanungin mo muna ang iyong sarili bago magkomento nang magkomento.
Tanungin mo ang iyong sarili – kung ano na ba ang nagawa mo para sa mga biktima ng Yolanda.
Baka nakaupo ka lang diyan sa harapan ng telebisyon at pinupuna ang sinasabi mong mga maling paraan ng pagtulong o paglikom ng pondo.
Ang gawin mo, tumayo ka diyan sa kinauupuan mo at ilabas ang mga lumang damit n’yo na maayos pa.
Oo dalhin mo na sa pinakamalapit na ano mang foundation na tumatanggap ng tulong para sa mga biktima.
Hindi po ba mas okey ito kaysa para kang perpekto diyan na wala namang ginagawang aksyon para sa mga kawawang kababayan natin ngayon. Kilos at ‘di pulos puna.
Iyong pang-load mo i-donate mo na muna. Barya man iyan, malaking tulong din po ‘yan. ‘Ika nga, mas malaki ang barya kaysa milyong halagang donasyon kung ito naman ay galing sa puso mo.
Oo nga’t nag-donate ka nang malaki pero, gusto mong malaman pa ng buong mundo. ‘E ano ngayon ang silbi ng tulong mo sa mata ng Diyos.
Sabi nga sa Biblia… “Huwag ipaalam sa iyong kanan kamay kung ano ang ginagawang kabutihan ng inyong kaliwang kamay.”
O walang samaan ng loob ha, kumilos po tayo ngayon – magkaisa tayo para sa mga kababayan natin na sinalanta ni Yolanda.
Gawin po natin ang bahagi natin bilang isang anak ng Diyos. Kahit isang pirasong damit, delata, o kung ano man iyan. Malaking tulong na po iyan.
At siyempre, higit sa lahat ay patuloy natin ipanalangin ang mga kababayan natin.
Oo nga pala, hindi naman nagpapabaya ang gobyerno natin, sinisikap nilang gawin ang lahat. Sadyang mahirap lang abutin ang maraming biktima ngayon dahil sa problema sa komunikas-yon, daan at iba pa.
O ano pang ginagawa mo diyan kabayan, kilos na at tumulong.
Almar Danguilan