SUNOD-SUNOD na kalamidad ang dumating sa ating bansa nitong mga nakalipas na araw pero tiyak na babangon pa rin ang mga Pinoy dahil subok tayong matatag at matibay dahil sa paniniwala sa Panginoong Diyos.
Hindi kayang tinagin ng lindol o bagyo ang mga Pinoy at iyan ay napatunayan na natin nang makailang ulit kaya’t malaking parte ang pananalig sa Dakilang Lumikha sa pagbangon ng ‘Pinas.
Matindi ang ginawang pinsala sa buhay at ari-arian ng nakaraang lindol sa lalawigan ng Bohol at Cebu, habang bugbog-sarado naman ang mga lugar ng Tacloban, Samar, Palawan, Mindoro sa bagyong Yolanda.
Nasa CNN uli ang ‘Pinas pero hindi dahil may magandang nangyari sa ating bansa kung hindi dahil sa bagyong Yolanda na halos nilanos ang Tacloban City at iba pang parte ng Kabisayaan at Palawan.
Marami ang nagsabing ang akala nila ay katapusan na ng mundo dahil sa lakas ng bagyong Yolanda pero matapos ang ilang oras na hangin at ulan ay natambad sa kanila na isa lamang itong pagsubok ng Maykapal.
Mabigat lamang na pagsubok pero pasasaan ba’t makaaahon din ang ‘Pinas at iyan ay dahil sa likas na pagiging matulungin ng mga Pinoy.
Nakatutuwa ngang mapakinggan at mapanood sa ulat ng isang reporter ng NBC news na bilib siya sa mga Pinoy dahil hirap na nga raw pero nagagawa pa rin tumulong sa kapwa niya biktima ni Yolanda.
Sa maikling salita, hindi matitinag ng bagyo o anumang kalamidad ang ugaling Pinoy na matulungin at mababa ang loob at iyan ang ating sandata sa pagbangon.
Medyo mabigat ang daan ng pagsulong pero sabi nga ng lahat ay iba ang Pinoy at lalong iba ang ‘Pinas dahil anak tayo ng Diyos.
***
Mabigat ang mga pahayag ni PNoy matapos ang hagupit ng bagyong si Yolanda.
Parang naninisi pa dahil marami raw ang namatay sa Tacloban dahil sa kapabayaan ng ilang opisyal dito.
Alam naman ng lahat na matindi talaga ang bira ng kalikasan at diyan dapat walang sisihan dahil kahit siguro maunlad na bansa ay tiyak na mapayuyuko ni Yolanda.
Panahon na ngayon ng pagtutulungan at hindi ng sisihan kaya’t sana naman ay tapusin na ito dahil kawawa naman ang taong bayan na nangangailangan ng dagliang tulong ng pamahalaan.
Alvin Feliciano