INIYAYABANG ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na nasugpo na ang jueteng ni Luding sa Baguio City, La Trinidad o di kaya sa buong lalawigan ng Benguet.
Ito ay makaraang iulat ng CIDG Benguet kay CIDG director, Chief Supt. Francisco Uyami, na simula nang magbaba (si Uyami) ng direktiba laban sa ilegal na sugal ay nasugpo na raw nila ang jueteng ni Luding sa lalawigan, partikular sa Baguio City at La Trinidad.
Ayos ha! Good news iyan kay Uyami. Pero infairness sa CIDG Benguet, totoo naman ang kanilang ulat. Yes, totoo kasing tumigil sa operasyon ni Luding simula nang magdeklara si Uyami ng giyera laban sa mga pasugalan.
Lamang, ayon sa insider ay tumigil ang operasyon ni Luding hindi dahil sa operasyon na isinagawa ng CIDG Benguet kundi napilitang itiklop muna ni Luding ang kanyang ‘negosyo’ dahil sa tawag ng ilang opisyal ng CIDG. Pinakiusapan ang jueteng operator na itigil muna ang operasyon nito. Ganun!?
Ibig bang sabihin nito na ang basbas ng operasyon ng jueteng sa isang lugar o lalawigan ay mula sa mga tiwali na opisyal ng PNP? Naman!
Hayun, dahil nga sa iniulat ng ilang tiwaling opisyal kay Uyami na sarado na ang jueteng ni Luding sa Baguio, La Trinidad o sa lalawigan ng Benguet, paniwalang-paniwala naman ang heneral. Kunsabagay, totoo naman nahinto kahit na papaano.
Pero Heneral, tila na-drawing ka ng ilan mong bataan sa lalawigan ng Benguet. Bakit? Hanggang simula lang pala ang direktiba mo sa kanila. Matapos na sumunod sa kautusan ay “shoot” na ngayon sa trash can ang inyong direktiba.
Hindi naman siguro, dahil sinsero rin ang hepe ng CIDG Benguet sa pagsunod sa kautusan ng kanyang direktor. Sige, infairness sa hepe ng CIDG Benguet pero paano iyong mga nakabuntot sa kanya na mga bataan niya na pawang salot sa kampanya ng CIDG?
Totoo kaya na dahil sa mga tiwali sa CIDG, hindi lamang sa Benguet kundi maging sa Kampo Crame, ay balik-operasyon na ngayon si Luding? Actually, nag-aalangan pa nga raw magbukas uli si Luding pero napakiusapan siya ng mga tiwali sa CIDG na buksan na ang jueteng niya – kahit na guerrilla type o kangaroo type daw.
Nakiusap ang mga hunghang dahil magpa-Pasko na raw. Kaya hayun heneral Uyami, hindi lang gerilya ang operasyon ng jueteng ngayon ni Luding sa nasabing lugar kundi lantaran na. Oo, noong una ay gerilya ang operasyon pero dahil malaki pa rin ang hinihinging intel sa kanya ay kinakailangan full blast ang operasyon. Daily na kobransa na uli ngayon ni Luding para sa Baguio, La Trinidad o buong Benguet ay P1M to P1.5M. Kaya tiba-tiba na uli o buhay na naman ang mga tiwali sa CIDG sa Kampo Crame at Benguet.
Gen. Uyami, maraming naniniwala (maging ang inyong lingkod) na hindi ka nakikinabang sa lingguhang ‘padala’ ni Luding sa mga tiwali mong opisyal at tauhan pero, dapat siguro na paigtingin pa ninyo ang inyong direktiba laban sa jueteng.
Heto nga po Attorney, may info pang nagbukas na rin ng jueteng sa southern Metro Manila, ang jueteng ni Dante A. Ilan opisyal mo rin sa Kampo Crame ang nagbigay-basbas sa dalawa para buhayin uli ang kanilang jueteng.
Almar Danguilan